SA gitna ng nakaambang El Niño phenomenon, nanawagan ang National Water Resources Board (NWRB) sa publiko na simulan ang pagtitipid ng tubig hanggang sa matapos ang tagtuyot.
Paliwanag ni NWRB Executive Director Sevillo David, bagamat pasok pa sa ‘operating level’ ang Angat Dam na pangunahing pinagkukunan ng supply para sa 14 milyong residente ng Metro Manila, higit na dapat paghandaan ang mas kaunting pag-ulan hanggang sa susunod na taon.
Batay sa datos ng NWRB, naglalaro pa sa 196.5 meters ang antas ng supply na nakaimbak sa Angat Dam – malayo pa naman aniya sa 180 meter critical level.
“Kailangan kahit nasa normal na lebel ang Angat o iyong mga dams po natin mas magandang paghandaan na rin po natin ito kasi ang sabi nga po ng PAGASA baka pumasok ito (El Niño) sa huling parte ng taon,” ani David sa isang pulong-balitaan.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posibleng maglabas na rin ng El Niño alert ang naturang ahensya sa susunod na buwan.
Para kay David, ang pagtitipid sa konsumo ng tubig ay makakatulong rin para tiyakin ang supply ng kuryente sa bansa.
“I think nakakabit po iyan, kasi iyong tubig, hindi po natin maihihiwalay sa energy kasi iyong mga hydropower po natin. Kung medyo may tubig tayo mapapatakbo natin iyong mga turbina po natin, maa-address din natin iyong pangangailangan natin sa energy.”
Sa pagtataya ng PAGASA, magsisimula ang pagdalang ng pag-ulan sa Setyembre at posibleng tumagal hanggang sa ikatlong sangkapat (quarter) ng susunod na taon.