MATINDING init na dala ng panahon ang itinuturong dahilan sa likod ng biglang pagbaba sa lebel tubig sa Buhisan Dam sa lalawigan ng Cebu.
Ayon sa Metro Cebu Water District (MCWD), halos kalahati ng kabuuang imbak na tuubig sa Buhisan Dam ang nabawas. Sa pinahuling pagtataya ng nasabing kumpanya, nasa 3,000 cubic meters na lang ang natira mula sa 5,000 cubic meters na naitala noong kamakalawa.
Bukod sa Buhisan Dam, apektado rin ang supply ng tubig na nakaimbak sa Jaclupan Dam. Ayon sa MCWD, nabawasan ng 30,000 cubic meters ang nakaimbak na tubig sa naturang dam bunsod ng matinding init.
Gayunpaman, pinawi ng MCWD ang agam-agam ng mga Cebuano. Anila, sapat pa naman ang suplay ng tubig sa dalawang dam, kasabay ng panawagan pagtitipid sa konsumo.
Ayon naman sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bumaba rin ang water elevation sa Angat Dam sa Bulacan, Ipo Dam sa Norzagaray, La Mesa Dam sa Quezon City, Ambuklao Dam sa lalawigan ng Benguet, Binga Dam sa Benguet, San Roque Dam sa Pangasinan at Caliraya sa Laguna.