
TALIWAS sa mga nakalipas na panahon, hindi hamak na mas may yagbols na ngayon ang Kamara sa mga usapin higit na mahalagang ipabatid sa publiko. Ang dating kubkuban ng trapo, kumakatawan na sa sentimyento ng mga Pilipino.
Sa mga nakalipas na dalawang taon, naging mapanuri ang Kamara sa usapin ng kalusugan, edukasyon, kasarian, kabuhayan, katiwalian at maging sa hayagang sabwatan sa likod ng mapaminsalang droga, patayan at syempre pa sa lintek na POGO.
Buwan ng Agosto nang isapubliko ng tanggapan ni Laguna Rep. Dan Fernandez ang isang mapangahas na video na nagpapakita ng isang matrix ng mga kumpanya at indibidwal na nag-uugnay sa ilegal na operasyon ng POGO at sa kalakalan ng droga sa Pilipinas. Kasama sa mga pangalang nasangkot ang dating presidential economic adviser ni Duterte na si Michael Yang, ang kanyang kapatid na si Hong Jiang Yang, Alice Guo, at Cassandra Ong.
Isa pang bahagi ng palaisipan ay ang nakatatandang kapatid ni Michael Yang na si Tony Yang, na dinakip kamakailan ng pinagsamang puwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at ng Bureau of Immigration sa NAIA. Siya si Tony Yang, isang Chinese national na nagpapanggap na Pinoy na pinaniniwalaang lider ng magkakapatid na Yang. Ang nakatatandang Yang ay konektado sa ilegal na operasyon ng POGO sa Cagayan de Oro.
Ibinunyag ng Quad Comm sa mga nakaraang pagdinig na malapit na nilang ilabas ang isang detalyadong matrix na nagpapakita ng higit pang ugnayan ng mga Chinese nationals, POGOs, at ng ilegal na kalakalan ng droga, kabilang na marahil ang relasyon ng magkapatid na Yang at ng iba’t ibang ilegal na POGO hubs sa Cagayan de Oro, Bamban, at Porac. Kasama rin dito ang mga tila lehitimong korporasyon na ginagamit sa ilegal na mga aktibidad, tulad ng pagbebenta ng droga—na lubhang nakasasama at nakapipinsala sa mga Pilipino.
Ayon kay Surigao del Norte 2nd District Representative at Chairman ng Quad Comm na si Robert Ace Barbers, mahalaga ang pagka aresto kay Tony Yang para malantad ang mga ilegal na aktibidad ng mga tila lehitimong negosyo. Ayon kay Barbers, “For too long, these individuals have operated with impunity, using corporate fronts to conceal their illegal operations. This arrest strengthens our commitment to pursuing justice and holding everyone involved in these syndicates accountable, no matter how well-connected they may be.”
Hindi katanggap-tanggap na pinayagan ng isang nakaupong pangulo ang interes ng mga dayuhang hangad pagharian ang kanyang sariling bayan. Higit pa sa kahihiyan sa buong mundo, tinulungan pa niya ang magkapatid na Yang na maghari sa kanilang Chinese drug syndicate — isang karumal-dumal na pagtataksil na dala ng labis na pagmamahal sa China. Hindi sapat ang katagang kasuklam-suklam para ilarawan ang traydor sa sariling bayan.
Kahit noon, hindi ako bilib sa Kamara, pero sa pagkakataong ito, kailangan ko siguro tanggapin na hindi sa lahat ng panahon puro gago ang nasa Kongreso.
Sa mga miyembro ng Quad Comm, magandang senyales ang inyong ipinamalas na tapang sa pamilyang kinasindakan ng mga mamamayan sa anim na taong karimlan. Pero hindi dapat dyan magtapos ang kwento. Kailangan managot ang mga impaktong sukdulang nagpahirap sa mga Pilipino.