KUNG nanlulumo tayo sa may 30,000 pinatay ni Rody Duterte sa pekeng giyera sa droga dito sa Pinas, mas manlulumo tayo sa maraming inosenteng batang pinapatay araw-araw ng Zionistang Israel sa “giyera” nito laban sa mga Palestino sa Gaza Strip.
Mahigit 32,000 sibilyan na ang namamatay sa nangyayaring genocide – 14,000 ang mga bata at 9,000 ang mga babae – 75,000 ang sugatan at di mabilang ang nakabaon pa sa mga guho, at 31 katao – kabilang ang 27 bata – ang namatay na sa uhaw at gutom at patuloy silang dumarami. May 21,000 tonelada ng bomba, katumbas ng 2 bombang nukleyar, ang ibinagsak ng Israel sa lugar mula Oktubre 7, 2023. Walang patumangga at walang pinipili ang pag-atake. Ayon iyan sa maraming sources, kabilang ang United Nations.
Saksi ang mundo sa kalupitang ito na kinukondena ng halos lahat ng bansa maliban sa Estados Unidos – at mga amuyong nito sa Europa – na tagapangalaga ng Israel. Umaarte pa ang mga Kano na hindi nila sinusuportahan ang mga pagpatay pero patuloy nitong inaarmasan ang halimaw para ipagpatuloy nito ang madugong kampanya nito, ang pag-ubos ng lahing Palestino sa Gaza.
Ang malungkot, sa kabila ng indignasyon ng mga mamamayan sa mundo at unti-unting pagkamulat ng ilang lider ng mga bansa, marami pa ring Pilipino ang di nakatanggap ng memo.
Alam ng ilan na may giyera pero wala silang paki. Kasalanan ito, unang-una ng gobyerno at ng mga trapong kakampi ng Kano na walang imik, at ng mainstream media sa Pilipinas na sumusunod lamang sa propaganda ng Zionistang Israel o ibinabaon ang balita sa kaloob-loban ng kanilang website.
May 134 na journalist na ang pinatay sa Gaza, ayon sa Committee to Protect Journalists, pero ni hindi nabahala ang mga peryodistang Pinoy.
Malayo kasi sa bituka at wala na yung mga dating nagmamartsa para sa kalayaan sa pamamahayag; sumali na sila sa gobyerno o nagsitandaan na o pareho. Yung mga aktibistang peryodista ngayon ay kuntento na sa paglalabas ng mga pahayag tungkol sa mga nangyayari sa bansa.
Ang totoo niyan, malaki sana ang magagawa ng midya kung mag-iingay ito sapagkat bingi ang mga trapo at sa kanila lamang nakikinig. Nagre-react lamang ang mga ito sa kung ano ang nasa paligid. Hold the line? What line?
Totoo namang maraming problema ang Pinas na dapat tutukan, pero ano ba yung magsalita ang ilang mahahalagang tao sa lipunan at gobyerno tungkol sa genocide – lalo na ang mass media na dapat may malalim na pagkaunawa rito.
Resulta ng pananahimik nila ang mababaw at kibit-balikat na mga komentaryo ng “Buti nga sa kanila,” “Kasalanan nila ‘yan,” “Hamas ang sisihin nila,” “Ipinangako ng Diyos sa Israel ang lupang ‘yan,” atbpa. Away relihiyon lang ang tingin ng marami dito.
Inuulit nila ang mantra ng Israel: OCTOBER 7. Bakit kayo pumapatay? October 7. Bakit n’yo inagaw ang lupa ng mga Palestino? October 7.
Bakit n’yo ginagaya ang ginawa ni Hitler sa mga Hudyo? October 7. Bakit di kayo nakikinig sa United Nations? October 7. Bakit n’yo hinaharang ang humanitarian aid para sa Gaza? October 7…
Nagsimula at nagtapos ang lahat para sa Israel noong Oktubre 7, 2023 nang umatake ang grupong Hamas at pumatay ng 1,200 ayon sa Israel at kumidnap ng mahigit 200.
Hindi pwedeng bigyang katwiran ang ginawa ng Hamas. Maituturing itong war crime. Pero pwede itong ipaliwanag: Nasa ilalim ng pananakop ng pasistang Israel ang mga Palestino at ang ginagawa ng Hamas ay paglaban sa pananakop na ito.
Walang iniwan ito sa paglaban ng Katipunan sa mga Kastilang mananakop. Armadong pakikibaka. Hindi lang katanggap-tanggap ang pagbiktima sa mga inosenteng sibilyan na bahagi ng kanilang estratehiya at taktika.
Pero mas lalong hindi katanggap-tanggap ang collective punishment na ginagawa ng Israel na mas masahol at kasuklam-suklam. Binibiktima nito ang mga sibilyan.
Hindi ito interesadong iligtas ang mga hostage sa patuloy na pagsalakay sa Gaza. Katunayan, may mga napatay na itong hostage sa mga pasalakay na iyon. Ang tunay na layunin nito ay ubusin ang mga Palestino sa Gaza, kung hindi sa direktang pagpatay ay pagtaboy sa matitira sa kanila sa Sinai Peninsula ng Ehipto.
Ngayon pa lang ay pinaplano na ng mga Israeli na ibenta sa mga Hudyo ang lupain sa Gaza. Naglalaway na nga ang manugang ni Donald Trump sa mga ari-ariang nasa beachfront o malapit sa dagat na siguradong pagkakakitaan nang malaki.
Kamakailan, nag-isyu ng tigil putukan ang UN Security Council na hindi naman sinunod ng Israel at sinabi ng US na walang bisa, taliwas sa kalakaran sa mundo na walang kwenta ang desisyon ng UN Assembly pero may ngipin ang UN Security Council at dapat itong sundin.
Pero sinampal sila ng katotohanang ang superimperyalistang US ang nasusunod mundo, kasama ang mga alalay nitong UK, EU at NATO. Para silang si Frankenstein na lumikha ng halimaw – ang Israel – na hindi nila kayang kontrolin.
Kinikilala nilang marami nang namatay at namamatay pa at dapat nang itigil ang kahibangang ito pero patuloy naman nilang hinihimas ang halimaw at sinasabihang “Who’s a good boy? You are! Heto pa ang armas, ituloy mo lang ‘yan hanggang gusto mo.”
Pero umaasa pa ang pandaigdigang komunidad. Sa sama-sama nilang paglaban, nalaman ng buong mundo ang kaapihang tahimik na dinanas at dinaranas ng mga tao sa historical Palestine sa loob ng 76 taon ng pananakop sa kanila.
Sa pag-iingay nila, nabagbag ang damdamin ng mga dating walang pakialam. Nagiging mistulang ketongin ng sinaunang panahon ang Israel na pinandidirihan ng lahat.
Naglabas ng ulat ang UN Special Rapporteur na si Francesca Albanese na genocide ang nagaganap sa Gaza.
At Inuutusan din ngayon ng International Court of Justice ang Israel na siguruhing pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga sibilyan sa Gaza at magsumite ng ulat sa loob ng isang buwan.
Patuloy ang kilusang BDS (boycott, divestment, and sanctions) laban sa Israel at ramdam na nito ang pagliit ng kanyang mundo.
