HABANG nagdurusa ang nakararaming Pilipino, bonggang sahod ang naghihintay sa mga papalaring mapili para manungkulan sa kontrobersyal na Maharlika Investment Corporation na nilikha sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Sa ginanap na pagtitipon ng mga bagong opisyales ng Economic Journalists Association of the Philippines, inamin ni Finance Secretary Ralph Recto na ipaparehas sa sweldo ng mga opisyales ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang antas ng sahod ng MIC officials na kukunin pipiliin ng Pangulo.
Batay sa mga datos ng Commission on Audit (COA), tumataginting na P41.812 milyon ang sahod ng BSP governor para sa buong taon.
Pero ano nga ba ang meron sa MIC? Kung pagbabatayan ang mga pahayag ng Pangulo, target ng administrasyon ipasok ang daan-daang bilyong pondo ng gobyerno sa mga negosyo sa ibayong dagat.
Saan galing ang pondo ng MIC? Base sa batas na lumikha ng MIC, huhugutin ang daang bilyong salaping nakalagak sa Landbank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP).
Kung tutuusin, hindi angkop na gamitin ang salapi ng nakalagak sa Landbank dahil ang totoo – mandato ng Landbank tulungan ang mga magsasaka. Mali rin gamitin ang DBP funds na sadyang inilaan para alalayan ang mga maliliit na negosyo.
Sa orihinal na plano, pati ang pensyon ng mga retirado muntik pa madamay. Kung hindi pa umalma ang mga manggagawang Pilipino, malamang swak din sa balde ang tangi nilang aasahan sa kanilang pagreretiro.
Taliwas sa paniwala ng marami, iba ang MIC kumpara sa mga sovereign wealth fund ng ibaqng bansa. Dangan naman kasi, di naman galing sa labis na kita ng gobyerno ang isusugal sa negosyo ng MIC.
Wala rin katiyakan kikita ang MIC lalo pa’t kabi-kabila ang gulo sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ipagpalagay natin hindi isusugal ng mga uupong MIC officials ang pera ng sambayanan kung di rin lang sila kumbinsido sa potensyal ng pamumuhunan sa isang negosyo, ano ang gagawin ng mga MIC officials sa pondo?
Matutulog na lang tulad ng ginawa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno noong nakalipas na administrasyon, habang ang mga nasa pwesto tumatanggap ng P3-milyon buwanang sweldo – di pa kasama ang allowances, at syempre mga confidential funds alinsunod sa probisyon ng batas ng lumikha ng MIC.
Gaano katagal nga ba bago kumita ng P3 milyon ang isang ordinaryong manggagawang Pilipino? Base sa P610 minimum wage ng mga obrero sa Metro Manila, lumalabas na P15,860 ang kanilang buwanang sahod – babawasan pa ng butaw sa Social Security System, PhilHealth at Pag-Ibig.
Lumalabas na P190,320 para sa buong taon – pero sa mga MIC officials, katumbas lang yan ng isang araw.
Yan nga marahil ang diwa ng Bagong Pilipinas.
