GANAP nang may bisa ang mahigpit na pagpapatupad ng gun ban bilang bahagi ng paghahanda para sa isang maayos, tapat at malinis na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
“Handang-handa na po ang Comelec. In fact, mapapansin n’yo po yan, mamayang gabi po ay unti-unti nang magse-set up ang ating Philippine National Police ng ating mga checkpoint,” ani Director John Rex Laudiangco na tumatayong tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec).
“By 12 midnight, ito po’y hudyat na nagsimula na ang election period pati na rin po ang gun ban para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections,” dagdag pa ni Laudiangco.
Pormal na rin binuksan sa mga aspirante ang paghahain ng certificates of candidacy (COCs) mula ngayong araw (Agosto 28) hanggang Sabado (Setyembre 2).
Paglilinaw ni Laudiangco, ituturing na kandidato ang mga aspirante pagkatapos magsumite ng COC – na siyang hudyat din aniya na saklaw na sila sa mga parusang nakaamba sa sandaling makitaan ng ebidensya ng paglabag sa umiiral na Omnibus Election Code.
Partikular na tinukoy ni Laudiangco ang mahigpit na implementasyon laban sa premature campaign.
“Ang campaign period po ay October 19 hanggang October 28 lamang. Doon n’yo na po gawin lahat ng pangangampanya,” aniya pa.
Babala pa ng opisyal, kakasuhan ng vote-buying ang sinuman magbibitbit ng P500,000 cash pataas sa mismong araw ng halalan.