
ANO bang lagay? Hindi ko alam kung natutuwa ba ang pamunuan ng Metro Manila Development Authority o MMDA sa ipinalabas nilang report tungkol sa mga violators sa lansangan.
Sabi ng MMDA sa buwan ng Enero, higit sa 2,778 ang nahuli sa paglabag sa illegal parking at iba’t ibang traffic violations; 2,532 naman ang natikitan; 770 ang naimpound habang 776 ang nanaman ang na-tow.
Ipinagmamalaki rin ng MMDA na ito daw ay patunay na hindi ningas kugon ang clearing operations ng ahensya sa mga sidewalk, Mabuhay Lanes at iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Pero ang tanong, ito nga ba ay good news o bad news?
Siguro dapat tanungin ng MMDA ang kanilang kumpareng ahensiya na Land Transportation Office (LTO) kung bakit sandamakmak pa rin ang nahuhuling mga violators sa lansangan, partikular na kung pag-uusapan ay mga batas-trapiko.
Hmmmmn, mukhang may problema tayong nakikita dito mga kababayan. Ika nga ng mga matitinong driver, “wala na sa bukid ang mga kamote, nasa kalsada na rin at parami na nang parami,” sabay iling.
Tunay na walang patid na clearing operations ang ginagawa ng MMDA kaya hiling nila ang kooperasyon ng publiko sa layuning mapaluwag ang mga pampublikong lansangan at sa mga barangay na may responsibilidad na panatilihin ang kaayusan ng mga na-clear nang mga lansangan.
Para talagang maisakatuparan ninyo ang inyong misyon dyan sa MMDA, siguro ay hilingin nyo na rin sa LTO ang maayos at epektibong pangangasiwa sa ahensiya partikular sa mga kumukuha ng pribelehiyo na magkaroon ng lisensiya sa pagmamaneho.
Kung sandamakmak ang nahuhuling mga traffic violators ano ang ibig sabihin nito?
Maraming hindi nakakaunawa ng batas-trapiko. Kung maraming hindi nakakaunawa sa batas-trapiko, bakit sila nagkaroon ng lisensiya? Ultimong ang lugar na tamang pagparkingan ay mukhang hindi nauunawaan ng mga driver, bakit sila nagkaroon ng lisensiya?
Ano ba talagang lagay? Maaaring mangatwiran dito ang LTO, kesyo maaaring nakapasa naman ang aplikante at nai-provide lahat ng kinakailangan para sa lisensiya, eh sadyang matigas ang ulo, nagmamadali o talagang kulang sa disiplina kaya nahuhulog pa rin sa paglabag sa batas-trapiko ang ilang tsuper.
Talaga nga namang hindi mauubusan ng pangangatwiran. Sige lang, kung ganyan ng ganya baka maging taniman na ng kamoteng motorista ang ating mga lansangan. Ang problema ay bunga rin ng problema at manganganak ng mas maraming problema.
Nakakatakot na ang kawalan ng alam sa mga batas-trapiko ng isang may hawak na manebela ay buhay pala niya ang kapalit. Higit na nakakatakot ay kung ang mga taong naglalakad lang sa kalsada ay hindi na pala makakauwi ng buhay sa kanilang pamilya dahil nadamay sa isang aksidente sa lansangan.
Tama na paigtingin ang panghuhuli sa mga traffic violators at patawan ng disiplina. Pero kung maraming nahuhuli ang ating mga otoridad hindi po ito dapat ipagmalaki.
Dapat itong ikabahala ng pamahalaan at ng taumbayan sapagkat sa pamamagitan nito, nabubunyag ang kapabayaan o baka naman matindi na pala ang katiwalian.
Sa susunod na Sabado ay tatalakayin natin ang ilang mga pangunahing dahilan ng mga aksidente sa lansangan. Maraming salamat sa SAKSI, ang dyaryong palaban, walang kinikilingan!