
SA gitna ng dusang inaabot ng mga commuters patungo at galung sa kani-kanilang trabaho, inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 100,000 karagdagang prangkisa sa Metro Manila.
Ayon kay LTFRB chairman Atty. Teofilo Guadiz III, sa ngayon ay nasa 100,000 sasakyan muna na nakarehistro sa Grab ang mabibigyan ng prangkisa. Gayunman, sakali umanong hindi pa rin sumapat ang nasabing bilang, daragdagan ito ng ahensya batay sa mga pangangailangan ng mga pasahero.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng napaulat na “investment pledge” mula sa kumpanyang Grab na maaaring magresulta ng 500,000 dagdag na trabaho sa mga Pilipino.
“500,000 new jobs with the creation of 100,000 motor vehicles both in 4-wheeled and the motorcycle taxi. But 100,000 is the initial, hindi naman natin bibiglain lahat ‘yan to prevent saturation in the market,” pahayag ni Chairman Guadiz.
“So initially, 100,000 and increasing further in 3-months’ time. We may increase the number until such time that the number of TNVS matches the needs of the riding public…” dagdag pa ng opisyal.
Bukod dito, binigyang-diin ni Guadiz na susubukan din ng ahensya na makapagbigay ng prangkisa sa ilan pang motor vehicles sa ibang bahagi ng bansa tulad ng mga lungsod ng Bacolod, Iloilo, Cebu, at Davao. Maglalabas umano ang ahensya ng dalawang memorandum circular na naglalaman ng panuntunan at iba pang kwalipikasyon para sa mga tsuper. “Normal qualifications lang naman ‘yon.
Una, Professional Driver’s License at pangalawa, seminar of 15-hours. The seminar is more on road safety to ensure that there would be minimal accident on the road especially motorcycle taxi,” dagdag pa ng LTFRB chief.