SA pagsalang sa pagdinig ng Kamara, hindi lang basta maamong mukha ang tumambad sa madla. Higit pa sa hitsura, may angking galing din pala si dating Philippine Charity Sweepstakes (PCSO) general manager Royina Garma.
Dangan naman kasi, may paiyak-iyak pa na para bang bida sa telenovela.
Ang totoo, matagal nang usap-usapan sa panahon ng nakalipas na administrasyon ang bagsik ng pangalan ni Garma. Kung malakas si Senador dela Rosa kay former President Rodrigo Duterte, mas malakas ang dating ni Garma.
Bakit nga naman hindi – bukod sa maganda, may pakinabang kay Duterte si Garma.
Sa ilalim ng giyera kontra droga ni Duterte, walang dudang malaki ang ambag ni dela Rosa na noo’y hepe ng pambansang pulisya.
Pero si Garma, higit pa ang ipinamalas na husay, batay sa mga testimonya ng mga taong sa kanya’y nakakakilala – kabilang ang dating warden ng Davao Penal and Prison Farm sa gawing katimugan ng bansa.
Pag-amin ni Superintendent Gerardo Padilla, tiklop siya kay Garma. Katunayan pa aniya, wala siyang nagawa sa utos ng noo’y hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nang utusan niyang ipikit lang ang mata habang isinasagawa ang pagpaslang sa tatlong Chinese nationals na nakapiit sa Davao Penal and Prison Farm dahil sa pagkakasangkot sa malakihang bentahan ng droga.
Fast forward tayo. Naisagawa ng dalawang preso ang pagpaslang sa tatlong Tsino. Pagkatapos ng trabaho, pinatawag ang dalawang bilanggo sa tanggapan ni warden para sa gantimpala.
Kwento pa ng mga presong inutusan pumatay, dinig na dinig nila ang pag-uusap nina Padilla at Garma gamit ang telepono ng isa pang bilanggo sa kinilala sa pangalang Jimmy Fortaleza na kaklase din pala ni Garma sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Hindi kataka-takang magtiwala ang dating Pangulo kay Garma. Ang totoo, matagal na sila magkakilala. Mula taong 2011 hanggang 2016, si Garma ang hepe ng lokal na pulisya ng Davao City kung saan ipinagmamalaki pa ni Duterte ang kabi-kabilang “pagrampa” ng mga sangkot sa ilegal na droga.
Pero lingid sa kaalaman ng marami sa atin, hindi lang sa pagiging masunurin magaling si Garma. Pati ang puso ng berdugo, nabihag din niya. Ang resulta — bonggang pwesto sa gobyerno.
Pero hindi lahat ng kwentong Cinderella nagtatapos sa “happily ever after.”
Nang bumaba sa Palasyo si Digonyo, sumingaw ang lahat ng bulilyasong tinatalupan ngayon ng Kongreso. Ang masaklap, nadawit na rin si Garma, at yun mismo ang dahilan kung bakit siya pinatawag ng Kamara.
Sa pag-aakalang makukuha sa drama ang Kamara, ginamit ni Garma ang talento na para bang isang artista — pinaagos ang luha. Ang siste, hindi umubra ang drama kaya silang dalawa posibleng magsama na rin sa hirap at ginhawa… pero sa loob ng selda.
