Ni EDWIN MORENO
MUKHANG mauunsiyami pa yata ang planong pagsabak sa politika ng pinakamalaking gambling lords sa Calabarzon region. Ang dahilan – ang taong pinagkatiwalaan magsampa ng pondong gagamitin sa pagbili ng boto pagsapit ng halalan sa Mayo ng susunod na taon, isa palang dorobo.
Ayon sa impormante ng Kalawit, mas malaki pa ang ibinubulsa ni Tisoy kumpara sa intregang kubransa mula sa mga ilegal na sugal tulad ng bookies, sakla, STL-con Jueteng, at maging sa fuel smuggling sa Port of Batangas.
Ang resulta – masakit na ang ulo ng among si Mike Romantiko na di umano’y desididong tumakbo sa posisyon ng gobernador sa lalawigan ng Batangas.
Kung tutuusin, malaki ang utang na loob ni Tisoy kay Mike Romantiko na pinagkatiwalaan mangasiwa ng ilegal na negosyo. Si Mike Romantiko rin ang gumastos noong kumandidato si Tisoy bilang kapitan ng barangay.
Ang dating gusgusing si Tisoy na nakapag pundar na ng iba’t-ibang negosyo at ari-arian (bukod pa sa mamahaling alahas na regalo sa dalawang keridang sustentado) mas mukha pang gobernador kesa kay Mike Romantiko.
Sa madaling salita, biglang yaman ang dating “kristo” ng sabungan at barangay kapitan na tuta ni Mike Romantiko. Mula sa pagiging tyopador (mandaraya), parang gobernador na rin kung umasta.
Sa pagtatanong-tanong sa mga sabungero sa BAtangas, napag-alaman ko kung paano nakilala ni Tisoy si Mike Romantiko. Kwento ng impormante, daig pa ni Tisoy ang nanalo sa three-cock derby nang makilala ang bilas ng isang lokal na opisyal sa bayan ng Padre Garcia.
Ang kanyang tinutukoy, si Nonit na tulad niya’y isa rin lang Kristo sa sabungan.
Pumatok sa tambalang Tisoy at Nonit na kapwa pinagkatiwalaan ni Mike Romantiko pangasiwaan ang saklang-patay (mas kilala na ngayon bilang pwesto pijo) sa Padre Garcia hanggang sa bayan ng Rosario sa lalawigan ng Cavite.
Pero si Tisoy tinubuan ng gulang. Sa halip na iremit ng buo ang kubransa, tumataginting na P2 milyon ang agad na ibinubulsa kada linggo – sa Padre Garcia pa lang yan ha.
May 34 na lokalidad ang Batangas. Kung hawak ng grupo ni Mike Romantiko ang ilegal na sugal sa 17 bayan, nangangahulugan P34 milyon ang nawawalang lingguhang kita ni Mike Romantiko.
Susmaryosep! Kelan pa ba ginagawa ni Tisoy dugasan ang kanyang amo. Sagot ng impormante, mula nung nagdeklarang sasabak sa 2025 gubernatorial election si Mike Romantiko.
Nakupu, Enero yata nang una kong naisulat sa pahayagan ang planong kandidatura sa pagka-gobernador ni Mike Romantiko. Sa madaling salita, matagal na pala.
Hindi ako magaling sa Math pero sa aking simpleng kwenta, mahigit P100 milyon ang ibinulsa ni Tisoy – salaping sapat na sana para sa pagkandidato bilang Batangas Governor.
