NAGTATAMPO ang Manibela transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil ang mga paborito lang na transport cooperatives ang iniimbita sa kanilang regional at central offices para ipaliwanag ang kontrobersyal na Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program o sa simpleng lengguwahe, phase-out sa traditional jeepney.
Sa programang Sa Totoo Lang sa One Ph kagabi, inilabas ni Mar Valbuena, chairman ng Manibela, ang kanyang himutok sa tila pagbabalewala sa kanilang grupo sa information dissemination program ng LTFRB sa naturang programa.
Hindi natin masisisi si Valbuena, kabuhayan ng mga tsuper at kanilang pamilya ang nakataya sa usaping ito at kung hindi nila ganap na nauunawaan ang plano ng pamahalaan para sa kanilang sektor, paano nga naman sila makakasunod sa patakaran ng PUV modernization program?
Maliban sa kailangang harapin ng mga jeepney driver at operator ang tumataas na presyo ng gasolina at ang mga gastos sa pag-oorganisa ng kanilang mga sarili sa mga kooperatiba bilang bahagi ng industry consolidation guidelines para sa PUV modernization program.
Dahil phase-out na ang traditional jeepney , alinsunod sa PUV modernization program, kailangan magbuo ng kooperatiba ang 20 operators o higit pa upang mabigyan ng prangkisa ng LTFRB.
“Sa pagsanib pa lang sa transport cooperatives, may initial na capital na 300,000 o higit pa para maaprubahan bilang isang transport cooperative,” sabi ni Valbuena.
Ngayon pa lang ay sumasakit na ang kanilang ulo kung saan hahagilapin ang napakalaking halaga para makapag-comply sa naturang programa lalo na’t nanggaling sa COVID-19 pandemic ang bansa, marami sa kanila ang bumabawi pa lamang mula sa matagal na hindi nakabiyahe.
Ang isang brand new jeep na fully compliant sa requirements ng LTFRB ay maaaring magkahalaga ng mula P900,000 hanggang P2.7 milyon, depende sa kapasidad.
Ang isang kooperatiba ay kailangan magbayad ng buwanang amortization na halos P500,000 para sa operasyon ng 10 hanggang 15 modernong jeepney, na nagkakahalaga ng hanggang P2.7 milyon bawat isa.
Isa rin sa pangamba ni Valbuena ay kung kakayaning I-sustain ng kooperatiba ang fixed salary ng mga tsuper at transport workers kung ang kanilang ruta ay hindi malakas kumita.
Ang suma total, ang mga gastos na ito ay sasagutin din ng mga pasahero dahil sa lalabas na pagtaas ng pamasahe.
Nagpasya ang LTFRB kanina na palawigin ang deadline sa implementasyon ng PUV modernization program sa Abril 2024 sa halip na sa Abril 2023.
Sa desisyong ito, maaari pang ikonsidera ng LTFRB na pasok sa kanilang requirement ang mas malaking air-conditioned jeeney na kung tawagin ay “patok” na nagkakahalaga lamang P1.2 milyon hanggang P1.4 milyon na mas matibay at mas magaan sa bulsa kaysa mga imported brand na kanilang pinayagan.