November 5, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

EX-CON BALIK-PIITAN SA P7M DROGA

Ni Lily Reyes

BALIK-PIITAN ang isang 37-anyos na ex-convict matapos mahulihan ng sandamakmak na ipinagbabawal na gamot sa isang anti-illegal drug operation sa Barangay Katipunan, Quezon City.

Arestado ang suspek na kinilala sa pangalang Ian Torres, konduktor ng bus at nakatira sa Barangay Nagkaisamg Nayon sa distrito ng Novaliches sa naturang lungsod.

Nakuha ng mga operatiba sa pag-iingat ni Torres na napag-alamang Number Two sa District Drug Personality Priority Target ng Quezon City Police District (QCPD) ang 50 gramo ng shabu — katumbas ng halagang P7.1 milyon. Batay sa ulat ng QCPD-District Drug Enforcement Unit, dakong alas-8:50 ng gabi nang maaresto ang suspek sa buy-bust operation sa kahabaan ng FPJ Avenue, Barangay Katipunan.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Selling of Illegal Drugs) at Section 11 (Possession of Illegal Drugs) sa ilalim ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). Ayon sa mga awtoridad, dati na ring nakulong ang suspek dahil sa kasong droga. “Matagal nang sinusubaybayan ng ating DDEU ‘yan. May mga ilang test buys na rin sila at may mga surveillance. Close surveillance ang ginawa namin diyan, intensive surveillance hanggang sa maka-connect kami and napagkatiwalaan,” ayon kay QCPD Director Brig. Gen. Nicolas Torre III. Dagdag pa ni Torre, pasok ang operasyon ng suspek sa mga mga pangunahing lungsod ng Metro Manila at karatid probinsya.

“Marami siyang binabagsakan dito sa Quezon City at sa nearby cities sa Metro Manila at mayroon ding mga customer siya sa iba’t ibang kalapit probinsiya,” ayon sa CPD chief.

Nagsasagawa pa naman ng follow-up operation ang pulisya upang matunton kung sino ang nagsusuplay ng droga sa suspek.