
MAY isang tila ‘good news’ na naman sa pandinig ng mga mamamayan. Ito ang resolusyong inihain ni Senator Idol Raffy Tulfo para paimbestigahan ang mga matataray na government workers na hindi ginagampanan ng tama ang kanilang mga trabaho.
Ang datingan nito ay may bagong hero! Dahil ang Senate Resolution 554 ni Sen. Idol ay may layuning maisulong ang Anti-Taray Bill na magpapataw ng mabigat na parusa sa mga bastos na taong-gobyerno.
Totoo naman at napaka-real talk dahil madalas na naririnig na reklamo mula sa taumbayan, lalo na mula sa mga pobreng mamamayan, na sila ay tinarayan, pinahiya, binastos, sinigawan at di tinulungan sa isang tanggapan ng gobyerno, wika ng Senador.
Sabi pa ni Sen. Idol, panahon na maparusahan ang mga kawani ng gobyerno na nambabastos, namamahiya, naninigaw at kumakawawa sa mga kababayan natin na pumupunta sa kanilang tanggapan para makipagtransaksyon. Ang empleyado ng gobyerno dapat ay pasensyoso at nagseserbisyo, hindi nagsusuplado.
Tama naman ang punto eh. Pero dapat pag-aralang mabuti ang resolusyon na ito. Bagamat may mga nababalitaan tayong umaabuso at talaga nga namang mataray na taong gobyerno, papaano naman ang mga kawani na nababastos din ng mga feeling entitled na mamamayan? May resolution din bang ihahain laban sa ayaw pumila at walang disiplina sa pakikipagtransaksiyon sa opisina ng gobyerno?
Totoo din naman ang sabi ni Sen. Tulfo na ang mga taong-gobyerno ay dapat magalang, mahaba ang pasensya at maunawain sa pagbibigay ng serbisyo publiko at kung di nila ito kayang gawin, wala silang karapatang manungkulan.
Itatanong ulit natin, papaano yung nakikipagtransaksiyon na walang disiplina at arogante sa pakikipag-usap, may karapatan din bang pagserbisyuhan?
Kahit sabihin pa na ang taumbayan ang nagpapasahod sa mga taong-gobyerno hindi ito dahilan para magpaka-feeling entitled ang iba. Tama at dapat lang naman na pakitunguhan ng mga taga-gobyerno ang taumbayan na lumalapit sa kanila pero hindi naman maganda na gagawin nila yon dahil amo ang tingin nila sa mga mamamayan.
Maganda ang Anti-Taray Bill pero hindi dapat laban sa mga taong gobyerno lang, dapat para sa lahat. Ang batas ay dapat para sa lahat dahil proteksyon ito kontra sa mga mapagmalabis, mapagsamantala at mga salot ng lipunan.
Nais lamang din nating liwanagin na hindi natin kinukonsinte ang mga kawani ng gobyerno na laging nakasimangot at mahilig mamahiya at laging sulyap ng sulyap sa orasan. Sadyang may ganyan, sila ang dapat lagyan ng ultimatum ng bawat ahensiya ng pamahalaan.
Sa kabilang banda, saludo tayo sa mga empleyado na kahit daang libong tao ang iharap mo sa kanila, nagagawa pa ring ngumiti at pagsilbihan nang buong pitagan ang mga mamamayan.