WALANG masama sa kampanya kontra droga. Katunayan, walang naidudulot na buti sa sa lipunan ang pamamayagpag ng mga sindikatong sumisira sa pamilya – damay pa ang kinabukasan ng mga bata.
Ang totoo, marami ang natuwa sa pangako ng noo’y presidential candidate na si Rodrigo Duterte na tatapusin ang ilegal na kalakalan ng droga sa buong bansa. Sa madaling salita, marami ang naniniwala at bumoto sa kanya.
Nang maluklok sa Palasyo bilang Pangulo, sumipa ang giyera kontra droga. Kabila-kabilang patayan – halos lahat pinaslang kasi nga naman “nanlaban.”
Gayunpaman, naging kapuna-puna na limitado lang sa mga pobreng adik at pipitsuging tulak ang giyera kontra droga ni Duterte, habang dedma naman sa mga dambuhalang kapitalistang nagpapasok ng kontrabando sa bansa – tulad ni Michael Yang.
Sa halip na kapunin ang supplier ng droga sa bansa, itinalaga pa ni Duterte sa Palasyo bilang kanyang Presidential Economic Adviser.
Susmaryosep!
Sa patuloy na paggulong ng pagdinig sa Kamara, marami ang sumambulat na pasabog kaugnay ng giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon. Isa dun ang pagsisiwalat ni Col Jovie Espenido (na mas kilala bilang berdugo ng tokhang) na hayagang nagsabing peke ang kampanya ni Duterte laban sa kalakalan ng droga.
Paratang pa ni Espenido, sadyang dinisenyo ang drug war para walisin ang ang iba’t ibang sindikato – maliban sa grupo ni Michael Yang. Sa madaling salita, kartel sa droga ang pakay ng drug war ni Duterte.
Mantakin mo nga naman, habang kabi-kabila ang itinutumba, garapalan naman ang pagpupuslit ng droga sa bansa. Ang masaklap mistulang bulag sa mga naturang panahon ang Bureau of Customs. Maging ang bantay-dagat lumabo na rin ang mata.
Naubos ang mga pipitsuging tulak. Ang ending – kontralado na ni Michael Yang ang industriya ng ilegal na droga sa bansa.
But wait there’s more. Hindi lang pala sa ipinagbabawal na gamot tumiba si Michael Yang. Nandyan ang Pharmally deal, illegal POGO, smuggling, scam farms, human trafficking at iba pa.
Ano nga ba ang meron si Michael Yang na tila ayaw man lang ni Duterte padapuan ang beho sa langaw? Pakinabang? O baka naman kasosyo sa negosyo?
Sana mali ako. Pero hangga’t hindi humaharap sa congressional inquiry si Duterte, buo ang aking paniwalang responsable ang dating Pangulo sa lahat ng bulilyaso ng kanyang alagang Tsino.
