
TALIWAS sa paandar ng gobyerno ang tunay na layunin ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Hindi ang nagbabadyang pananakop ng China sa Pilipinas ang prayoridad ng US sa likod ng pinirmahang EDCA na nagbigay-pahintulot sa mga Kano para gamitin ang tatlong pasilidad sa norte sa isa sa Palawan – Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela; at ang Balabac Island sa lalawigan ng Palawan.
Sa pagsusuri ng mga eksperto, lumalabas na nais lamang ng US magkaroon ng himpilan sa Pasipiko bilang paghahanda sa pagsaklolo ng mga Kano sa Taiwan sa sandaling pasukin ng China ang naturang bansa. Ang dagdag-EDCA site sa Palawan, konswelo de bobo lang.
Ayon kay Dr. Carlyle Thayer na higit na kilala sa larangan ng defense and security, mas angkop na depensahan ang West Philippine Sea sa gawing Palawan – partikular sa Pag-asa Island kung saan abot-tanaw ang hanay ng mga barko ng China.
Sa isang banda, tama si Thayer lalo pa’t sa gawing kanluran ng Pilipinas nananahan ang mga Intsik na lulan ng daan-daang barko – kabilang yaong mga na dinisenyo sa pakikidigma.
Sa isang talakayan inorganisa kamakailan ng National Youth Movement for the West Philippine Sea (NYMWPS), hayagang sinabi ni Thayer na ang pagkakaroon ng base militar sa Pag-asa ay isang malakas na pahiwatig ng paninindigan sa soberanyang pilit binabasura ng China sa pag-angkin ng karagatang pasok sa Philippine exclusive economic zone.
Batid ng pamahalaan walang kakayahan ang Pilipinas sa pakikidigma laban sa isang makapangyarihang estado tulad ng China.
Pero hindi naman angkop na magpagamit ang Pilipinas sa nagbabadyang salpukan ng US at China.
Hindi ako isang eksperto tulad nina Defense Sec. Carlito Galvez at iba pang bida-bida sa Kongreso. Sa aking sapantaha, kung mayroon dapat magkaisa laban sa pambabarako ng China, yun ay ang mga bansang apektado – Pilipinas, Taiwan, Indonesia, Japan, Vietnam, Malaysia at iba pang nasa timog-silangang Asya.
Hindi matatawaran ang tulong ng US. Pero sa kaso ng EDCA, mukhang hindi tayo ang nais ipagtanggol ng mga Kano. Hindi rin soberanya ng Pilipinas ang prayoridad kundi ang sariling interes sa Pasipiko.
Ayaw ko sa US. Pero mas ayaw ko sa pambabarako ng China. Kung meron man dapat tindigan – yun ang kapakanan at kaligtasan ng mga Pilipino.
Hindi ang mga Tsekwa, hindi rin mga Kano.