
ANG inakalang lehitimong operasyon kontra droga lokal na pulisya sa lungsod ng Muntinlupa, akyat-bahay pala ang puntirya.
Ang resulta — timbog ang apat na pulis na inakusahan ng robbery extortion ng mga biktima.
Kwento ng 34-anyos na negosyanteng si Baby Gan Lim, nagpapahinga siya sa silid ng kanilang tahanan sa Barangay Putatan nang makarinig cya ng pag-ingit ng bintana.
Nang tignan, tumambad ang apat na kalalakihang nagpakilalang mga operatiba kontra droga — sina Senior Master Sgt. Leoren Elomina Javier, Cpl. Cris Callie Sulit Cruz, Cpl. Jenniel Sumawang Calica, at Pat. Jon Louie Esparagoza Peña.
Ayon sa ginang, hinahanap ng mga pulis ang kanyang asawang si Dario Españo Cedro. Nang sabihing wala sa bahay si Cedro, inutusan di umano siyang tawagan at pauwiin ang mister, kasabay ng bantang idadamay sa asuntong may kinalaman sa droga.
Pagkatapos makontak ang asawa, sapilitan di umanong pinabuksan sa biktima ang kanyang GCash account at inilipat ang P50,000 sa ibang account.
Bukod sa pera sa kanyang GCash wallet, hinarbat din di umano ng mga pulis ang P380,000 na nakalagay sa travel bag sa ilalim ng kanilang kama, at P9,000 cash na nasa kanyang personal backpack.
Pagdating ng kanyang mister, kinuha di umano ng mga pulis ang ATM card nito at binitbit sa di kalayuang ATM pero bigong makakuha ng pera dahil off-line pa aniya ang naturang cash dispensing machine.
Pagbalik sa bahay, nagbanta di umano ang mga pulis na babalikan sila pag hindi nagpadala ng P50,000.
Bago tuluyang lumisan sa bahay ng biktima, tinangay din ang isang mamahaling helmet at P8,000 cash na nasa compartment ng kanilang motorsiklo.
Sa isang pahayag, tiniyak na Brig. Gen. Kirby John Kraft, Southern Police District (SPD) director, na kanyang personal na tutukan ang imbestigasyon laban sa apat na pulis-Muntinlupa.Habang patuloy ang imbestigasyon, pinagbawalan ng SPD chief na lumabas sa himpilan ang mga pulis na kinasuhan ng robbery-extortion.
“The SPD does not condone wrongdoings of our police personnel, appropriate criminal and administrative charges shall be filed against the involved personnel as warranted by evidence or testimonies”, ani Kraft.