
HABANG abala ang karamihan sa paggunita ng Semana Santa, limang residente ng isang komunidad Barangay Tatalon sa Quezon City ang nasugatan matapos lamunin ng apoy ang nasa 40 kabahayan ilang metro lang ang layo mula sa istasyon ng mga pamatay sunog.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas 12:20 ng tanghali ng Biyernes Santo nang unang nakatanggap ng tawag ng saklolo hinggil sa insidente sa isang squatter area sa gawing Kalye Kitanlad na sakop ng Barangay Tatalon.
Mabilis na kumalat ang apoy sa iba pang bahay na yari sa light materials.
“Ayon sa ating mga imbestigador, ang pinagmulan, ang sinasabi po nila, ay maaari po doon sa mayroong nagluluto, nagluluto po. So yun po yung lead natin ngayon, yung sinusundan natin,” ayon kay Sr. Supt. Aristotle Bañaga.
Aniya, nagtamo ng sugat ang limang residente, habang nasa 40 bahay naman ang tinupok ng nagngangalit na apoy sa katanghalian ng Biyernes Santo.
Halos alas 3:00 ng hapon ng tuluyang maapula ang sunog. Wala pang ulat sa halaga ng mga natupok na ari-arian.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga nasunugan sa covered court at mga gilid ng Araneta Avenue.