
KALUNOS-lunos ang sinapit ng daang-libong pobreng Pinoy sa kamay ng oligarko sa likod ng bangkong nagsara matapos hakutin ang ipon ng mga depositors na ang tanging hangad lang ay makapag-ipon para sa kinabukasan ng kanilang pamilya.
Taong 2019 nang mabisto ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang anomalya sa AMA Bank na pagmamay-ari ni Amable Aguiluz – isang negosyante sa likod ng AMA Education System, kumpanyang pasok sa enerhiya, water utility distribution, real estate, financial services at ang ipinasarang AMA Bank.
Ang resulta – naipit ang salaping ipon ng mga pobreng Pilipino sa naturang bangko – mga gurong kakarampot ang sahod, mga vendors na pilit nag-iipon mula sa baryang kinikita sa pagtitinda sa bangketa, mga estudyante, mga maliliit na negosyo, at marami pang iba.
Fast forward tayo. Nagkaroon ng imbestigasyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at ang resulta – etsa pwera ang mismong bangko kaya naman ang kaso kontra AMA Bank tumamlay ng todo.
Ano pa nga naman ang hahabulin P3.5 bilyon ng mga nasubang depositors sa bangko kung ang mismong AMA Bank mistulang abswelto.
Pumasok sa eksena ang Court of Appeals na naglabas ng direktiba sa BSP na ayon sa mga mahistrado ay naging padalos-dalos. Ang hatol – buksan ulit ang AMA.
Pero ang BSP, dedma sa desisyon ng CA. Sa halip na tumugon, umapela sa Korte Suprema.
Ang masaklap, hindi naman yata prayoridad ng Korte Suprema na tapusin agad ang apela ng BSP. Habang nakabinbin ang kaso, nganga ang mga depositors na nagdarasal at umaasang mababawi ang pinaghirapan deposito sa naturang bangko.
Panawagan ng mga depositors ng AMA Bank, gumitna ang Palasyo.
Sa ganang akin, dapat imbestigahan ng Senado at Kamara ang malinaw na sabwatan kung saan mga pobreng depositor ang lumalabas na biktima.
Kung babalikan ang nakaraan, ganito rin ang kinahantungan ng mga depositors ng Banco Filipino. Ang mga nagtiwala, hanggang ngayon nganga!