SA pagpapatuloy ng programang Cayetano In Action (CIA) with Boy Abunda, pinaksa naman ang karapatan ng isang lolo sa mga apong nangungulila sa mga ama’t inang kapwa adik sa droga.
Paglilinaw ng magkapatid na Senador Alan Peter at Pia Cayetano, mayroong parental authority si lolo sa kanyang mga apo lalo pa’t nakakulong ang sa rehabilitation facility ang ina ng bata.
Sa ika-apat na yugto ng CIA with BA, nanindigan ang magkapatid na senador sa panig ni lolo. Ang batayan, kadugo niya ang batang iniluwal ng anak niyang babae.
Inihain sa CIA with BA ang problema ng isang hindi pinangalanang senior citizens nitong Linggo kung may karapatan ito na arugain at alagaan ang kanyang apo sa anak na adik.
Sa pag-aalala na baka ibenta ng ama ang bata kagaya ng ginawa nito noon sa isa nitong anak sa ibang babae, inilayo ng lolo ang mga bata sa kanilang ama at inako na ang responsibilidad sa kanila, ayon sa mga Cayetano.
“Pinagbabawalan din ng lolo ang ama ng mga bata na bisitahin sila,” ayon sa mambabatas.
Sa puntong ito, kapwa pinaboran nina Senado Pia at Alan ang lolo ng mga bata dahil delikado kung hahayaan sa ama ang mga bata sanhi ng masamang impluwensya nito.
“Kung ako ang huwes, wala kang karapatan sa mga anak mo,” sabi ni Senador Pia sa ama ng mga bata.
Ayon kay Senador Alan, may parental authority rin ang lolo sa mga bata dahil magkadugo sila, kaya nasa posisyon ito para pagbawalan ang ama na lumapit sa mga bata.
“Pakiramdam ng [biyenan mo] hindi safe ang mga anak mo kapag dumadalaw ka doon… Ang batas ay nasa panig niya (lolo),” hayagang bitaw niya sa ama ng mga bata.
“Ayusin mo muna ang buhay mo bago mo puntahan ang mga anak mo. Ipakita mo muna sa [biyenan mo] na nabago mo na ang buhay mo,” dagdag pa niya.
Babala pa ni Senador Alan sa ama ng mga bata, maituturing na kidnapping kung pilit kukunin nito ang mga bata sa kanilang lolo kahit pa siya ang mismong ama.
Sa halip, hinimok niya ang ama ng mga bata na baguhin ang pamumuhay nito at sinabihang tutulungan siyang makahanap ng trabaho basta’t ititigil nito ang pag-inom ng alak at paggamit ng ilegal na droga.
Pumayag naman ang ama ng mga bata na suma-sideline na rin bilang construction worker simula umano ng itinigil niya na ang pagdodroga.
‘Best interest of the child’
Sa ‘Payong Kapatid’ segment naman, binigyang-linaw ng magkapatid na senador ang problema ng isang mag-asawang napilitang ibigay sa kustodiya ng tunay na ina ang batang inampon nila matapos umano silang sugurin at takutin ng ilang miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team kasama ang ilang mga taga-Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sanggol pa lamang ay nasa pangangalaga na ng mag-asawa ang bata na ngayon ay edad 13 na.
“Ang masusunod parati sa batas tungkol sa custody at parental authority ay yung sinasabing best interest of the child, na hindi siya ma-trauma at siguraduhin kung nasaan siya ay yun ang pinakamaganda para sa kanyang kalagayan,” pahayag ni Senador Alan.
Nangako ang dalawang Cayetano na tutulungan ang mag-asawa na humiling sa DSWD na magsagawa ng pormal na imbestigasyon upang malaman ang totoong pangyayari at matigil na ang trauma nila.