PARA sa mga militanteng grupo ng kababaihan, sinusundan lang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang yapak ng yumaong ama at dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa usapin ng isinusulong na amyenda sa 1987 Constitution.
Sa pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments, hayagang nagpahiwatig ng pagkabahala si Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas hinggil sa magkaparehong estilo.
Partikular na sinabi ng militanteng kongresista ang agam-agam ng mga mamamayan sa posibilidad na mauwing muli sa diktadura (tulad ng nangyari sa panahon ni Marcos Sr.) ang Constitutional Change na isinusulong ng mga kaalyado ng administrasyon sa Kamara.
“We fear that we are repeating a dark side of our history by pushing through with this ConCon accompanying bill,” ani Brosas.
Sa naturang pagdinig, pinagtibay rin ng komite sa botong 17 pabot at dalawang kontra ang paglikha ng Hybrid Constitutional Convention (ConCon) na siyang mag-aamyenda sa 1987 Constitution.
Pasok rin sa Hybrid ConCon ang paghahalal ng mga kinatawan at pagtatalaga ng Pangulo sa magiging kinatawan sa plenaryo, kasama ang Senate President at House Speaker.
Magkakaroon din ng mga kinatawan ang iba’t ibang sektor kabilang ang magsasaka, mangingisda, senior citizens, persons with disability (PWD), katutubo, negosyante, akademya at tatlong retiradong mahistrado.
“The last time we had ConCon was under the father of President Marcos Jr. Meron din noong Resolution of Both Houses at accompanying bill gaya ng tinalakay natin ngayon. Eventually, the ConCon produced the 1973 Constitution further cemented the Marcos dictatorship.”