ANG estrella sa balikat ng mga unipormado hindi kailanman dapat gamitin sa pang-aabuso — o kahit pa sa pagiging suplado. Ito ang dapat isaisip at isabuhay ng isang heneral na daig pa ang Philippine National Police (PNP) chief kung umasta sa harap ng mga media.
Hindi ko ugali ang magpasaring kaya tumbukin na agad natin.
Sa tuwing magpapatawag ng isang pulong-balitaan sa hanay ng mga mamamahayag, kapuna-puna ang pagiging choosy ni Northern Police District (NPD) Director Brig. Gen. Jerry Protacio.
Dangan naman kasi, ayaw niya sa mga regular reporters na nakatalaga sa Camanava. Ang type ni Protacio — mga reporter mula sa telebisyon.
Kwento ng mga miyembro ng Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas and Valenzuela) Press Corps, nagpapadala lang ng media advisory ang NPD sa mismong araw ng presscon — na para bang nanadya para hindi makapunta ang mga tagapagbalita mula sa iba’t-ibang dyaryo at istasyon ng radyo.
Paano nga naman sila dadalo sa isang presscon kung isang oras na lang at sisimulan na ang pulong-balitaan? Minsan tuloy napapaisip na lang ang mga antigong mamamahayag na nakabase sa Camanava na napipilitan lang ang NPD magpadala ng media advisory dahil hindi sila sinipot ng mga paboritong reporter.
May mga pagkakataon naman na kinakansela ang media advisory. Anang mga bata ni Protacio, hindi tuloy ang presscon. Pero ang totoo, limitado lang pala sa paboritong reporter ang patawag ng NPD Director.
Susmaryosep ka naman Gen. Protacio… pati ba naman balita pinagkakait mo pa sa mga peryodista? Ano ba talaga gusto mo? TV exposure?
Linawin ko lang sana kay Gen. Protacio na trabaho ng mga reporter magbalita. Kung pilit mo itatago sa amin ang kaganapan sa nasasakupan mong distrito, — malamang ikaw ang maging paksa ng aming balita.
Favoritism nga lang ba talaga ang pagiging suplado ni Gen. Protacio? O baka naman may tinatago siya sa mga miyembro Camanava Press Corps?
Para tuldukan ang misteryo sa pagiging suplado ni Protacio, umapela ang pamunuan ng Camanava Press Corps kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Lt. Gen. Anthony Aberin na isailalim sa panibagong briefing ang nakaupong NPD chief.
Sa ganang akin, may “distorted sense of entitlement” si Protacio. Masyado niyang minamaliit ang hanay ng mga newspaper at radio reporters. Kung paano ka tinanggap ng mga peryodista, sana man lang sinuklian mo sila ng respeto.
Matindi pala ang heneral na yan… gusto niya maging TV personality. Suggestion ko lang kay Gen. Protacio, magpatayo ka kaya ng sarili mong TV station — dun sigurado kumpleto ang TV exposure na hanap mo!
