SA tuwing sasapit ang Abril 9, ipinagdiriwang ng bansa ang natatanging araw para bigyan pugay at pagkilala sa kadakilaan at kabayanihan ng mga beterano ng digmaan, na nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan at kasarinlan ng Pilipinas.
Taliwas sa paniwala ng marami, higit pa sa isang pista opisyal ang Araw ng Kagitingan – at lalong hindi lang limitado sa pagdiriwang ng nakaraang tagumpay ng mga bayani.
Ang totoo, ang dakilang Araw ng Kagitingan ay isang pagkakataon para magbalik-tanaw sa mga aral na iniwan sa atin ng mga bayani ng nakalipas na siglo. Ang kanilang tapang, dedikasyon, at pagmamahal sa bayan ay nagbibigay inspirasyon sa atin upang patuloy na ipaglaban ang mga halaga ng katarungan, kalayaan, at kapayapaan.
Sa kasalukuyang panahon, kung saan ang bansa ay hinaharap ang iba’t ibang hamon at pagsubok, ang diwa ng pagkakaisa ay nagiging mas mahalaga kaysa kailanman. Sa harap ng mga suliranin tulad ng pandemya, kahirapan, at kawalan ng hustisya, ang pagkakaisa ng bawat Pilipino ay mahalaga upang malampasan natin ang bawat pagsubok.
Kami naman – isang mensaheng nagbibigay linaw sa ating hangad na mapakingan. Boses na sumisigaw para itigil ang gulo sa ating bansa.
Sa Araw ng Kagitingan, hinihikayat tayo na magkaisa bilang isang bansa. Dapat natin ipakita ang pagmamahal at respeto sa bawat isa, at magtulungan upang malampasan ang anumang pagsubok na ating hinaharap.
Sa pamamagitan ng pagkakaisa, magagawa natin makamit ang tunay na kaunlaran at kapayapaan para sa ating bayan. Ano man ang hamon, hindi tayo mabubuwag bilang isang bansang may ciento bente milyon, mula Luzon, Visayas at Mindanao. Ciento Bente Milyon na iisa ang hangad na maging mabuti ang buhay at kinabukasan.
Sa huli, ang Araw ng Kagitingan ay hindi lamang isang pagdiriwang ng nakaraan, ngunit isang paalala sa atin na ang kagitingan ay patuloy na may lugar sa ating kasalukuyang panahon. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng tapang, dedikasyon, at pagkakaisa, magagawa nating baguhin ang kasaysayan at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang ating bayan.
Samahan natin ang isa’t isa sa pagpapalaganap ng diwa ng kagitingan at pagkakaisa sa Araw ng Kagitingan.
Magsama-sama tayo upang patuloy na ipaglaban ang mga halagang ipinaglaban ng ating mga bayani. Sa pagkakaisa, masiglang ipinagdiriwang natin ang kadakilaan ng Pilipino. Kami Naman, Ciento Benteng Mamamayan.
Mabuhay tayong lahat!
