
SWAK sa piitan ang mag tiyahin sa ikinasang anti-illegal drug operation ng Quezon City Police District (QCPD) sa Barangay Pasong Tamo, Sabado ng gabi.
Kinilala ni QCPD Holy Spirit Police Station chief Lt. Col. May Genio ang mga suspek sa pangalang Raymond Jumilla at ang tiyahin niyang si Isabel Resultay na kapwa dinakip ng mga operatiba sa kanilang tahanan sa Himalayan Road sa Quezon City.
Ayon kay Genio, dakong 10:25 ng gabi dakpin ang si Jumilla matapos makatanggap ng tawag hinggil sa di umano’y lantarang pagbebenta ng damo sa Kalye Himalayan.
Pagdating sa Barangay Pasong Tamo, inabutan si Jumilla kasama ang isa pang mabilis na nakatakas nang mapansin ang mga papalapit na operatiba. Dito na kinapkapan si Jumilla na makuhanan ng apat na pakete ng marijuana.
Timbog rin ang tiyahin niyang si Resultay na huli sa aktong nagre-repack ng ilegal na paninda.
“Nahuli itong mga suspek through infotext, at naaktuhan pa sila sa kanilang bahay na nagi-impake ng marijuana,” ayon kay Genio.
Sa interogasyon, lumalabas na kadarating lamang ng halos anim na kilo ng damong nagmula pa Baguio City.
Nakapiit na sa QCPD Custodial Facility ang mga suspek na kapwa nahaharap sa kasong paglabag ng Dangerous Drugs Act of 2002.