ANG laki-laki ng budget ng PhilHealth pero grabe kung tipirin ang mga pasyente.
Ayon kay PhilHealth Senior Vice President Renato Limsiaco Jr. nitong April 2, 18% lang ng hospital bill ang target sagutin ng ahensya kada pasyente ngayong 2025.
Sabi tuloy ni Senator Pia Cayetano, na sa nakalipas na limang taon ay pilit ipinaglalaban ang pagtaas ng budget ng health sector sa Senado: “Joke ba ‘to?”
Mula 2014 hanggang 2024, kabuuang P534 bilyon ang pumasok na pondo sa PhilHealth galing sa sin tax. Anong balak gawin doon ng ahensya? Ipamulsa?
Napakalaking misteryo kung ano ba ang pumipigil sa PhilHealth na taasan ang coverage nito upang lumiit ang bayarin ng pasyente sa ospital.
Sige, sabihin na nating may “no balance billing policy” sa mga pampublikong ospital. Pero hindi ba may Universal Healthcare Law na nag-aatas sa PhilHealth na “no Filipino family should suffer as a consequence of one sickness”? Walang sinumang Pilipino, mahirap man, middle class, o upper class, ang dapat maghirap nang dahil lang sa pagkakasakit.
Masisisi mo ba ang isang middle-income family na dalhin sa pampribadong ospital ang kapamilya nila kung kalusugan ang nakataya at hindi naman kumpleto ang pasilidad sa mga pampublikong ospital? Kapag buhay ng kapamilya mo ang pinag-uusapan, mas mahalagang isalba ang mahal sa buhay kesa sa singil ng ospital.
At tungkulin ng PhilHealth sa ilalim ng batas na saluhin at pagaanin ang aspetong pinansyal ng pamilyang Pilipino.
Ano ba’ng pumipigil sa PhilHealth para taasan at gawing makatao ang coverage nito? “It boggles the mind,” wika nga.
Sa mga ganitong pagkakataon, kailangang may mga boses sa gobyerno na walang sawang ipaglalaban ang karapatan ng bawat Pilipino para sa kalidad at murang serbisyong pangkalusugan. Yaong gagawing misyon ang pagyanig sa PhilHealth hanggang sa magkaroon ng positibong pagbabago.
