HINDI na bago ang pangungutang ng estado para tustusan ang mga makabuluhang programa at proyekto ng pamahalaan. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, isang ahensyang may sapat na pondo ang nagpupumilit na mangungutang para umarangkada ang pabahay ng gobyerno.
Ang tinutukoy na ahensya – Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na ngayon kontrolado ng isang kontratista sa likod ng mahabang talaan ng mga pribadong subdibisyon, gusali, mansyon, pasyalan at pati pabahay ng gobyerno.
Sa pagkakatalaga kay Jose Rizalino Acuzar, malinaw na may conflict of interest.
Sino nga ba si Jerry Acuzar. Batay sa mga dokumentong isinumite sa Palasyo, si Acuzar ay isang kontratista sa larangan ng pabahay. Katunayan, ang kanyang sariling kumpanya – ang New San Jose Builders Inc. (NSJBI).ay makailang ulit nang nakasungkit ng mga pinakamalaking proyektong pabahay ng pamahalaan.
Kabilang sa mga nasungkit na kontrata ng kumpanyang itinaguyod ni Acuzar ang Katarungan Village sa Muntinlupa na itinayo para sa mga kawani ng Department of Justice (DOJ) at ang resettlement housing project para sa mga pamilyang naapektuhan ng pagsabog ng Mt. Pinatubo noong dekada 90.
Sa pag-upo ni Acuzar sa DHSUD, walang kagatul-gatol niyang sinabi na kailangan mangutang ng tumataginting na P1.2 trilyon bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Susmaryosep! Mahigit pa sa kalahari ng P2.2 trilyon na nakatakdang utangin ng administrasyong Marcos ngayong taon ang mapupunta sa DHSUD? Masyado naman yatang malakas si Acuzar sa Palasyo!
Ang totoo, hindi kailangan mangutang ang DHSUD kung hangad lang ay masimulan ang proyektong pabahay ng gobyerno. Hindi ba’t may P157-bilyong salapi ang kagawaran mula sa savings ng mga tanggapan sa ilalim ng naturang departamento? Hindi pa kasama dyan ang US$1-bilyong housing grant ng Estados Unidos.
Kung tutuusin, may iba pa naman pinaghuhugutan – kabilang ang mga nakatenggang housing units na itinayo ng National Housing Authority (NHA) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kung seryoso si Acuzar na bigyan ng disenteng pabahay ang mas maraming pamilyang Pilipino, ang ang dapat atupagin ni Acuzar ay isulong na gawing simple ang mga rekisitos na nagsisilbing balakid ng mga maralitang Pilipino para maging kwalipikado sa pabahay ng gobyerno.
Sa sandaling maipamahagi ang mga libo-libong bakanteng housing units, makalikom ng dagdag pondo ang DHSUD mula sa buwanang hulog ng mga benepisyaryo.
Hindi rin naman kailangan agad-agad ng DHSUD ang malaking halaga. Walang probisyon sa alin mang bahagi ng Republic Act 8818 na kailangan ng paunang bayad sa mga kontratista. Malinaw ang doktrina ng RA 8818 – pwede lang magdlabas ng kabayaran ang pamahalaan sa kondisyong – project completed o di naman kaya’y service rendered.
Isa pang pwedeng pagkunan ng pondo ay ang masisingil mula sa mga pagkakautang ng mga pribadong kumpanyang ka-transaksyon ng ahensya sa nakalipas na 10 taon..
Sa mga datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumalabas na lagpas na sa 6.5 milyon ang housing backlogs ng pamahalaan – at posibleng umabot pa ng 11 milyon kung mananatiling plano ang pangakong pabahay ng DHSUD.