
HIGIT na kilala ang baybaying bayan ng Angono sa malalim na kasaysayan ng sining at mayaman na kultura.
Bilang patunay, dito sa bayan ng Angono isinilang ang dalawang national artist na sina Carlos ‘Botong’ Francisco para sa visual arts at Maestro Lucio San Pedro para sa musika.
Bukod sa pagiging sentro ng sining at kultura, sikat din ang Angono sa katakam-takam na kalderetang itik, luntiang kapaligiran, pananampalataya, malinis na kapaligiran, dalisay na katubigan, at husay ng mga kabataan sa pagdi- dibuho, at marami pang iba.
Dinarayo rin ang bayan ng Angono sa makulay na taunang Higantes Festival tuwing buwan ng Nobyembre.
Gayunpaman, nakakalungkot isipin na tila unti-unting nawawala ang moralidad sa naturang bayan. Patunay nito ang sumambulat na balita hinggil sa pang-aagaw diumano ng asawa ng isang nakaupong konsehala.
Batay sa dokumentong nakalap sa Sangguniang Panlalawigan ng Rizal, lumalabas na pinatawan ng suspensyon sina Jhoana Duran at Roberto Sison Jr., na kapwa konsehal sa bayan ng Angono.
Sa resolusyong pirmado nina Rizal Vice Gov. Reynaldo San Juan Jr., Provincial Board Secretary Atty. Roselle Andallo Ramilo at Board Secretary Marilyn Carpio, napatunayang nilabag nina Duran at Sison ang Republic 6713, na mas kilala bilang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Ang nagreklamo – ang mismong maybahay ni Sison.
Kwento ni Gng. Ernescel Sison, ipinangangalandakan pa umano sa Facebook nina Duran at ng kanyang asawa ang paglalampungan habang magkahawak kamay sa pamamasyal, pagbiyahe at pagdalo sa mga pagtitipon.
Kabilang din sa pinagbatayan ng Sangguniang Panlalawigan sa pagpapasya sa reklamo ni Gng. Sison ang “screenshots” ng palitan ng mensahe sa pagitan ng dalawang konsehal ng Angono, testimonya ng mga taong malapit kina Duran at Sison, gayundin ang mga larawang lumabas (o sadyang inilabas) sa social media.
Pero teka… batay sa datos ng Commission on Elections (Comelec), kumandidato pa rin pala si Konsehal Duran.
Sadya nga kayang ganun katibay ang dibdib ni konsehala na humarap sa mga taga-Angono matapos masangkot sa malaking eskandalo? Nakuha pa talagang humirit ng panibagong termino?
Hay naku… nasa mga botante pa rin naman ang desisyon kung nararapat siyang ihalal muli sa pwesto.
Pero sa ganang akin, higit na angkop suriin ng mga mamamayan ang tunay na pamantayan sa proseso ng pagpili sa dapat magsilbing sandigan ng lokal na pamahalaan.
Higit na angkop pumili ng mabuting halimbawa… at hindi kasama dun ang pang-aagaw ng lalaking may asawa’t anak na!