NAKAKADISMAYANG isipin na abot ang pagbibigay-pugay natin sa mga manggagawang Pilipino tuwing Mayo Uno, pero ang kaisa-isang kahilingan nila, hindi maibigay ng bansang ito: makataong sahod.
Ayon sa datos ng IBON Foundation noong March 2024, ang average na daily minimum wage sa bansa ay nasa Php440. Kung nakakapasok ang isang manggagawa 20 araw sa isang buwan, mayroon siyang Php8,800. Tapyas na agad diyan ang P4,500 kung ang pagkain niya sa isang araw ay P50 kada umagahan, tanghalian, at hapunan. Sa matitirang P4,300, pagkakasyahin niya ang isang buwang renta, kuryente, tubig, at pamasahe.
Kaya wala na sa bokabularyo ng minimum wage earner ang salitang ipon. Paano na lang kung bigla siyang magkasakit? Wala siyang paghuhugutan.
Tama si Senador Alan Peter Cayetano nang sabihin niyang hindi iyan ang uri ng sahod na ipinangako ng Saligang Batas sa mga Pilipino. Hindi iyan ang uri ng sahod na magbubunga ng “just and humane society” na nakalagay sa ating Konstitusyon.
Bakit ba kasi hindi magkasundo-sundo ang gobyerno, ang mga negosyante, at mga manggagawa sa tamang sahod? Simple lang. Dahil walang iisang lugar para diretsahan nilang matalakay at mapagkasunduan ito.
Sa Pilipinas, may National Wages and Productivity Commission (NWPC) at Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) na parehong nasa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE). Sila ang kumakausap sa mga manggagawa at pribadong sektor at nagtatakda ng wage rates. Sa kabilang dako, naroon ang mga Senador at Kongresista na gumagawa ng batas para maitaas ang sahod. At sa kabilang dako naman ay ang Ehekutibo na pumipirma sa gagawing batas.
Paano sila magkakasundo kung wala silang pagkakataong magsama-sama, magkonsultahan, at kalkulahin nang sama-sama ang sahod na makatao pero hindi ikalulugi ng mga negosyante? Ilang beses na bang may Senador na naghain ng batas para maibigay ang tamang sahod pero hindi naipapasa kasi hindi sang-ayon ang Ehekutibo at ang pribadong sektor?
Iyan mismo ang nais solusyunan ng panukalang batas ni Senador Alan na inihain niya kasabay ng Labor Day. Kapag naisabatas ito, magkakaroon ng isang Labor Commission o “LabCom” na bubuuin ng mga representante mula sa Lehislatibo, Ehekutibo, mga negosyo, at mga grupo sa labor sector. Pag-aaralan nila nang sabay-sabay ang mga isyu at batay sa mga ebidensya ay magrerekomenda ng mga konkretong hakbang tungo sa paglutas sa mababang sahod.
Iyan ang tunay na pagbibigay-pugay sa mga manggagawa – yaong kumikilos para matamo ng mga Pilipino ang isang tunay na “living wage”.
Oo, ang pagpapataas sa quality of life ng mga Pilipino ay hindi lamang usapin ng sahod. Kaya nga dapat tinutugunan din ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at isinasaayos ang social services na buwis ng taumbayan ang nagpopondo.
Pero kung ang dugo’t pawis ng manggagawang Pilipino ay natutumbasan ng sapat na sahod para sa pagkain, edukasyon, at kalusugan ng kanyang pamilya, mas may kakayahan silang sugpuin ang malnutrisyon, mapag-aral ang mga bata, at putulin ang kahirapan. Hindi na rin mapipilitang mawalay ang mga Pilipino para magtrabaho pa sa ibang bansa.
