HIGIT na kilala ang mga Pinoy sa pagiging masinop o ang pagsusubi ng bahagi ng ganansya para may paghugutan sa panahon ng pangangailangan.
Ang mga sinaunang Pinoy, alkansya ang sisidlan ng baryang pilit iniipon. Pero sa pag-inog ng panahon, umusbong ang mga bangko. Ang dahilan – mas safe ang pera kung malayo sa kanila at may konting interes pa.
Fast forward tayo. Nauso ang ATM (automated teller machine) cards, online banking at ang tinatawag na credit cards na pwedeng gamitin kung kapos o hindi pa dumarating ang budget.
Dekada otsenta nang dalhin sa Pilipinas ang ATM banking at credit cards. Taong 2009 naman nang magsimula sa bansa ang tinatawag na online banking.
Sa loob ng mga naturang panahon, marami ang naitalang bulilyaso. Karamihan sa mga dokumentadong reklamo, nawawala ang nakasubing pondo sa bangko.
Pero sa kaso ng isang negosyante mula sa lungsod ng San Juan, sadyang naiiba ang kanyang litanya. Dangan naman kasi, siya’y kinukulit ng tawag sa telepono ng mga taong nagpapakilalang taga Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC).
Anang makulit na caller ni Ginoong Enrico Sangcap, may utang daw siya sa credit card na hindi pa naman aniya “activated.”
Susmaryosep! Alam kaya ni Ginang Helen Yuchengco-Dee ang nagaganap sa loob ng RCBC?
Ang totoo, isa ang RCBC sa pinaka antigo at pinaka malaking negosyo sa Pilipinas. Pasok ang RCBC Group of Companies sa mahabang talaan ng negosyo kabilang ang banking and finance, real estate, power, construction, insurance, automotive, at pati sa edukasyon.
Hindi ang klase ng mga Yuchengco ang papayag masira ang kredibilidad ng mga kumpanyang pinatibay ng panahon. Pero bakit parang may anay na sumisira sa negosyong itinaguyod ng nasirang Alfonso Yuchengco?
Posible kayang napasukan ng mga utak sindikato (tulad ng POGO) ang kumpanya ng mga RCBC?
Parehong-pareho kasi ang estilo ng panloloko.
