MAY mga proyekto talaga na kahit gaano kaganda sa papel, kapag tinignan mo sa kasalukuyang sitwasyon, parang hindi na tugma sa realidad.
Isa na rito ang Makati Subway Project, isang plano na baka may saysay pa noong isang dekada, pero ngayon, parang pilit na lang ipinaglalaban kahit malinaw nang may nagbago.
Tahimik kadalasan si City of Taguig Mayor Lani Cayetano, pero kapag nagsalita na si mayora, asahan mo ang bigat. Gaya ng kaniyang pananaw sa Makati Subway Project.
Simple lang: bakit ka magtatayo ng subway sa lugar na hindi mo na hurisdiksyon? Bakit ka gagastos ng bilyon-bilyong pera ng taumbayan, para sa isang proyektong ngayon ay tatagos na sa teritoryo ng Taguig nang wala man lang na kahit na anong koordinasyon?
Hindi ito “vision.” Ito ay pagkakaila sa katotohanan.
Huwag nating kalimutan na may desisyon na ang Korte Suprema. Ang EMBO barangays ay hindi na parte ng Makati. Period.
Pero tila walang paki ang Makati. Tuloy pa rin sa plano, parang walang nangyaring pagbabago. Parang invisible ang Taguig at mga residente nito.
Ang panawagan ni Mayor Lani na “i-reassess at i-realign” ang proyekto ay hindi hadlang. Isa itong tinig ng katwiran. Ganiyan ang tunay na pamahalaang marunong makinig, marunong makipag-ugnayan sa kapwa LGU, at marunong gumalang sa batas.
Ang subway na ito ay galing sa panahong nakaraan na. Ngayon, panibagong kabanata na. Dapat tanggapin ng Makati na nag-iba na ang mapa. Puwede silang makipagtulungan sa Taguig o ituloy ang proyektong para lang sa ilusyon.
Mas maaga silang makinig, mas makakabuti para sa lahat. Lalo na sa mga commuter na ang gusto lang naman ay maayos na biyahe.
