
KAKAIBA sa karaniwang tsismis, pinapatulan ng mga responsableng tao – oo, pati ng midya at Malakanyang – ang kwento tungkol sa paglalabas ng warrant of arrest ng International Criminal Court at ng red notice ng Interpol laban kay Rodrigo Duterte. Kaya nagkakaroon ito ng higing ng pagiging lehitimo at hindi pekeng balita.
Sinagot ng Malakanyang ang tsismis sa pagsasabing hindi nito pipigilan ang pag-aresto kay Digong kung totoo ito. At tutulong pa nga ito sa paghuli kung hihilingin ng Interpol.
Parang musika sa pandinig ng marami na makukulong na rin sa wakas ang mamamatay-taong dating presidente ng bansa, kaya magandang balita ito para sa kanila. Sa wakas, mapaparusahan na rin ang demonyo at makakamit na ang hustisya sa marami niyang atraso sa taumbayan.
Ang kaso, wala pa ngang kumpirmasyon ang tsismis habang sinusulat ko ito. Walang opisyal na pahayag ang ICC at Interpol. Pero walang kumukwestyon sa pinagmulan ng tsismis at waring sinadyang ikalat ito para kalampagin ang kampo ni Digong – na dali-dali namang sumibat patungong Hong Kong. Kasama sa ikinalat ang umano’y paglalabas ng red notice ng Interpol na lalong nagpatibay sa bali-balitang nalalapit na pagdakip.
Ilang taon ding umasa ang mga tao sa sinasabing “malapit nang ilabas” na mandamyento ng pag-aresto kay Digong ng ICC. Pero nauna pang ipag-utos ng ICC ang pag-aresto kay Vlad Putin ng Rusya at Bibi Netanyahu ng Israel. Lumabas ang mandamyento kay Putin noong 17 Marso 2023 sa salang ilegal na pagpapatapon ng mga bata mula sa Ukraine patungong Rusya. Inisyuhan naman si Netanyahu ng mandamyento noong 21 Nobyembre 2024 sa salang panggugutom at krimen sa sangkatauhan, kabilang ang maramihang pagpatay, pagmamalupit, at iba pang di-makataong gawain laban sa mga Palestino.
Inanunsyo sa publiko ang mandamyento kina Putin at Netanyahu pero hindi ang kay Digong. Talagang sikreto dapat ang paghahain ng mandamyento at isasapubliko lamang kapag nahuli na ang suspek. Pero sa kaso ng dalawang nauna, nagpapatuloy ang krimen kaya minabuti ng ICC na ihayag ito sa publiko.
Sa kaso ni Gongdi, wala na siya sa pwesto para ituloy ang mga pagpatay at pang-aabuso sa madla kaya pwedeng “sikreto” pa rin ang gagawing paghuli sa kanya.
Malas nga lamang niya at inaway niya ang US kaya hindi niya ito maasahang ipagtanggol siya gaya ng ginagawa nitong pagtatangol sa kriminal ng Israel. Makikipagpatayan ang US para hindi maparusahan ang tunay nitong amo na si Netanyahu. Si Digong? Bahala siya sa buhay niya.