
ONLY in Taytay. Ito ang bulalas ng mga residente sa bayan kung saan matatagpuan ang isang pampublikong pagamutan na sirasara pagsapit ng dilim. Ang dahilan — walang doktor.
Partikular na tinukoy ng mga dismayadong residente ang Taytay Emergency Hospital na nasa ilalim ng pangangasiwa ng lokal na pamahalaan.
“Nakakadismaya emergency kagabi… pumunta kami dahil masama pakiramdam ko manhid katawan ko, sakit ulo batok, tulog nag-BP. Totoo pala mga nabasa ko post reklamo dyan hospital taytay Emergency. Wala Doctor maya maya may dumating humingi ng tulong may aksidente… wala din aksyon umalis na lang kami. Mayor Allan (de Leon) sana po umaksyon kayo nangyayari Taytay Emergency,” saad sa post ng isang netizen sa Facebook.
“Hind po maganda ang pag ganyan sistima ni Alan at bukod po jan me cut off pa. Saan ba kayo nakakita ng ganyan emergency na me cut off halos makipag-away kame jan sa mga staff ng ni allan jan,” sambit naman ng isang Fermina Lasac na umano’y tinanggihan matapos papilahin ng halos anim na oras.
“Hirap po talaga. Kaya nga tinawag na EMERGENCY HOSPITAL tapos walang staff o doktor na nakaduty,” patutsada ng isang Joan Belleza.
Ayon naman kay netizen Zenaida Ferrer Aquino – “Malaking tulong po sa mga may karamdaman kung 24/7 bukas ang Taytay Emergency Hospital kaya sana po ibalik nila yung ganung serbisyo sa mamamayan.”
Panahon ng yumaong dating Mayor Jojo Zapanta nang itayo ang Taytay Emergency Hospital para magsilbing 24-hour medical facility na takbuhan ng mga residente ng naturang bayan.
Maging ang dating alkalde na si Joric Gacula, naalarma sa aniya’y kawalan ng doktor sa pagamutan.
“Nakakaalarma at dapat bigyang pansin! Ang Taytay Emergency Hospital, na itinayo noong panahon ni Mayor Jojo Zapanta upang magsilbing 24-hour medical facility para sa mga nangangailangan, ay hindi na raw bukas nang buong magdamag.
Marami ang nakapansin na wala ng mga doktor tuwing dis-oras ng gabi hanggang madaling-araw, kaya limitado na lamang ito mula 8 AM hanggang 5 PM.
Ito ang ospital na dapat sana’y bukas para sa mga pasyenteng hindi kayang magbayad sa pribadong ospital tulad ng Manila East at Taytay Doctors.
Kung totoong kapos na sa doktor ang Taytay Municipal Government, paano na ang mga residente sa malalayong lugar at health centers na umaasa sa serbisyong medikal?
Dapat pagtuunan ng pansin ang kalusugan ng mamamayan kaysa sa ibang proyekto na hindi naman lahat ay nakikinabang.”