
SAKTONG tatlumpu’t pitong taon ang nakalipas, sinimulan ng ilang dismayadong miyembro ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na tinaguriang Reform Armed Forces Movement (RAM) ang pag-aalsa laban sa diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Doon, nagsimulang dumagsa ang taumbayan, hindi magkakakilala, walang kulay pulitika upang samahan sina dating Defense Minister Juan Ponce Enrile at dating PC-INP chief General Fidel V. Ramos, sa panawagan ni yumaong Jaime Cardinal Sin.
Nagsimulang maglakad mula sa dating Isetann sa Cubao, Quezon City ang grupo ni dating Senador Agapito “Butz” Aquino, ang August Twenty One Movement (ATOM) na ipinangalan sa petsang ipinapatay si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Sr., sa tarmac ng ngayong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nakunan ng litrato ni yumaong Recto Mercene, hobbyist-photographer sa naturang paliparan.
Naglakad ang grupo ni Butz patungong EDSA sa pagitan ng Camp Aguinaldo at Camp Crame at sa panawagan ni Cardinal Sin, lumahok ang lahat ng sektor, walang kulay pulitika, Simbahan, samahan ng estudyante at indibidwal na matagal nang nagtitiis sa diktadura ni Marcos.
Bukod sa dayaan na naganap noong 1986 snap election na natuklasan matapos mag-walk out ang encoder ng Comelec sa PICC dahil kakaiba ang kanilang itinitipa sa lumilitaw na resulta ng halalan, laganap na katiwalian ang naghudyat ng pagpapatalsik sa diktadurya.
Kaya nagsimulang sumigaw ang taumbayan: Tama na! Sobra na!
The rest is history.
Makalipas ang 37 taon, marami nang nangyari o nagbago sa ating kasaysayan, kaya marami ang nagsasabing o nagtatanong: Ano ba ang resulta ng EDSA People Power Revolution noon na ating pinakikinabangan ngayon?
Sa kabataan ngayon, malaking bahagi ng EDSA Power Revolution ang tinatamasa ng lahat tulad ng kalayaan at demokrasya. Noon, walang naka pagsasalita laban sa katiwalian at maling gawa. Hindi nadidinig ang boses ng karamihan sa panahon ng halalan dahil bukod sa pinili ang mananalo, itinatalaga lamang ang opisyal.
Pero, iisa lamang ang nakikita ko para sa aking sarili kung bakit hindi pa nag tagumpay nang lubusan ang EDSA: Maraming na kasapi noon sa EDSA People Power Revolution ang nilamon ng sistema. Sila ang klasikong traydor ng bayan.
Nagkunwaring lumalaban sa katiwalian, ngunit sila ngayon ang nagtatamasa sa kalayaan at demokrasyang inani sa EDSA. Kumbaga, namamayagpag muli ang katiwalian sa ating bayan.
Malaking bilang din ang bumalik sa bulok at tradisyunal na pulitika na ngayon, kasabwat sa pagbaligtad ng kasaysayan.
Kaya masasabi ko, isabuhay natin ang EDSA sa anumang panahon. Tumulong sa kapwa, tumindig sa tama at labanan ang pagkakalat ng maling impormasyon at sugpuin ang mapagkunwaring adhikain na lumalason sa kaisipan ng kabataan.
Kundi masusugpo ang katiwalian na lubos na nagpapahirap sa ating bayan, hindi matutulog ang katotohanan upang ulitin ang kasaysayan.