
IMBES na aklat sa paaralan, malamig na rehas sa loob ng masikip na kulungan ang hihimasin ng isang binatilyong inaresto sa sala ng pagnanakaw sa lungsod ng Malabon.
Ayon kay Police Staff Sergeant Diego Ngippol, dinakip ang 15-anyos na suspek matapos pasukin at pagnakawan di umano ang construction workers sa gitna ng pamamahinga sa barracks ng isang construction site sa Barangay Longos ng nasabing lungsod.
Sumbong ng mga biktima, apat na cellphones ang tinangay ng menor-de-edad na huli sa akto ng isang trabahador na kinilalang si Ronel Abucejo matapos magising sa narinig na kaluskos ng suspek na mabilis tumalilis dakong alas 4:00 ng madaling araw.
Dito na ginising ni Abucejo ang mga kasamahang mabilis naman humingi ng saklolo sa kina Corporal Sergio Consulta, Patrolman Alexis Canizares at Pat. John Cedric Goque na tiyempo naman nagpapatrolya sa nasabing lugar.
Sa isinagawang follow-up operation, timbog ang suspek na armado pa ng kalibre .38 revolver. Nabawi din sa pag-iingat ng binatilyo ang mga di umano’y ninakaw na cellphone.
Paglilinaw naman ni Malabon police chief Col. Amante Daro, agad nilang ililipat sa kustodiya ng Bahay Sandigan (isang pasilidad na itinaguyod ng lokal na pamahalaan para sa mga kabataang nalihis ng landas) ang arestadong binatilyo.
Samantala, bulilyaso rin ang isa pang lalaking bistado sa baril matapos takbuhan ang mga pulis na sumita sa kanyang paninigarilyo kaugnay ng ordinansang nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa lungsod ng Caloocan.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na si Mark David Rapal, 21-anyos at nakatira sa Barangay 28 ng nasabing lungsod.
Ayon kay Lacuesta, timbog ang suspek habang nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga operatibang pinamumunuan ni Senior Master Sergeant Rivardo Genuino ng Caloocan PNP – Substation 1 sa kahabaan ng Kalye Taksay.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag ng Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions).