
TINIYAK ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na patuloy na susuportahan ng Kamara ang pagpapatupad ng iba’t-ibang programang pampalakasan lalo’t hindi maitatanggi ang kakayahan at determinasyon ng mga atletang Pinoy sa tuwing sasabak sa mga pandaigdigang paligsahan.
Para kay Romualdez, malaking bentahe ang pagkakaroon ng mahusay na sports program higit lalo’t sa sa paligsahan nakakatuklas ng mga kabataang may malaking potensyal at makapaghubod din ng world-class athletes.
Ginawa ni Romualdez ang pahayag kasunod ng anunsyo ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Department of Budget and Management (DBM) sa ₱360-milyong proyektong dormitoryo para sa 400 student-athletes ng National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City, Capas, Tarlac. Inaasahang matatapos ang pasilidad sa 2026.
Ang naturang proyekto aniya ay nagpapakita ng patuloy na pagtutok ng gobyerno sa pagpapabuti ng mga pasilidad at suporta sa pagsasanay para sa mga batang atleta ay kasunod ng makasaysayang pagwawagi ni Alex Eala bilang second placer sa Lexus Eastbourne Open nitong weekend—ang una sa kasaysayan para sa isang Pilipino na umabot sa singles final ng WTA Tour.
Pinuri rin ng lider ng Kamara sa ilalim ng 19th Congress si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtutok at pagbibigay ng prayoridad sa kapakanan at kinabukasan ng mga student-athletes, lalo na sa pamamagitan ng pagpapatayo ng makabago at world-class dormitories sa NAS.
“Congratulations to President Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr., through the BCDA and DBM, for this visionary initiative. This dormitory will serve not just as a facility, but as a home for our student-athletes to dream big and strive for gold,” aniya pa.
Kaya naman binigyang-diin ni Romualdez na patuloy na itataguyod ng Kongreso ang mga panukalang batas at suporta sa badyet para sa sports development, lalo na sa mga programang nagpapalago sa potensyal ng mga batang atleta sa mga pampublikong institusyon gaya ng NAS.
“Our student-athletes have the natural talent for sports. With sufficient government support, they have what it takes to bring honor to our country. It is our duty as lawmakers to ensure that their talent, grit, and determination are not wasted but rather nurtured and developed,” dugtong pa niya.
“As Speaker of the House, I commit to reviewing the national budget to ensure these facilities receive the necessary legislative backing—from sufficient funding to sustainable operations.”
Iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng matagalang pamumuhunan ng pamahalaan sa pagpapanday ng atletang Pilipino, kabilang ang kalidad na pagsasanay, tamang nutrisyon, at suporta sa akademikong aspeto.
“With Congress’s support, we can lay the groundwork for world-class training and holistic athlete development, empowering them to dream bigger and shine brighter,” wika pa ng pinuno ng Kamara.
Ang itatayong dormitoryo ay isang limang-palapag na gusali na may 14 na silid para sa babaeng estudyante at 14 na kwarto para sa mga lalaki. Magkakaroon ito ng atrium, dining hall, recreational spaces, kitchen at dishwashing area, mga opisina ng administrasyon, at mga silid para sa laundry at utility.
Sa ngayon, may 270 student-athletes ang naka-enroll sa NAS at nagsasanay sa iba’t ibang larangang pang-akademiko at pampalakasan. Kasalukuyan ding itinatayo ang bagong gymnasium at gymnastics court para suportahan ang kanilang pagsasanay. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)