MATAPOS ang perwisyong dulot ng bagyong Kristine, tinupok naman ng apoy ang tahanan ng mga residente mula dalawang barangay sa lungsod ng Tacloban sa Leyte.
Sa kalatas ng Bureau of Fire Protection (BFP), nasa 14 bahay sa Barangay 62-B, Sagkahan, Tacloban City ang nilamon ng apoy kaninang madaling araw.
Ayon sa lupon pamatay sunog na nakabase sa lungsod ng Tacloban, dakong 1:30 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa naturang barangay. Matapos ang 45 minuto, ganap na naapula ng mga bumbero ang pagliliyab. Walang naiulat na nasawi o nasugatan.
Samantala, isa pang sunog ang naganap hindi kalayuan sa naturang lugar. Ayon sa BFP-Tacloban, dakong alas 2:00 ng madaling araw sa parehong araw nagsimulang lamunin ng apoy ang isang bahay sa Barangay 109-A, Phase 4 Extension sa naturang lungsod.
Ganap na alas 2:45 nang ganap na makontrol ng BFP-Tacloban ang ikalawang sunog sa loob lang ng isang magdamag.
Wala ring naiulat na nasawi o nasugatan sa dalawang insidenteng patuloy na iniimbestigahan sa hangaring matukoy ang dahilan.
Samantala, isa pang sunog ang naganap sa Barangay Sikat sa Lemery, Batangas.
Sa Imbestigasyon, lumalabas na naiwang nakasaksak na plantsa ang pinagmulan ng sunog sa unit na inuupahan ng isang nagngangalang Ma. Lea Parreño Magsumbol.
Lumalabas sa imbestigasyon na nag-overheat ang naiwang plantsa at umapoy hanggang sa kumalat sa loob ng apartment.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng BFP-Lemery at naapula ang sunog makaraang ang 20 minuto.
