
SA kabila ng buhos ng ulan, 20 gusali ang tuluyang natupok bunsod ng isang sunog sa kabayanan ng Taytay, Rizal Sabado ng gabi, kung saan isang bumbero ang napaulat na nasaktan.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas 8:30 noong Sabado ng gabi nang sumiklab ang sunog sa isa sa mga gusaling nakatayo sa panulukan ng Rizal Avenue at Kalye Naval sa Barangay Dolores ng nasabing bayan.
Bagamat nasa tabing kalsada ang insidente, pahirapan ang pagpatay ng sunog na ganap na naapula kinabukasan ng hapon.
Habang pilit na inaapula ang apoy, isang volunteer firefighter na kinilala sa pangalang Christ John Soriano ang nahulog habang nagbubuga ng tubig sa direksyon ng naglalagablag na gusali.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP sa pinagmulan ng sunog.