DALAWAMPU’T tatlong katao ang kumpirmadong patay matapos tumaob ang pampasaherong bangka sa gitna ng pananalasa ng bagyong Egay sa Barangay Kalinawan sa baybaying bayan ng Binangonan, Rizal.
Sa kalatas ng Binangonan Municipal Disaster Office, dakong alas 3:30 ng hapon nang makatanggap ng ulat ang lokal na pamahalaan hinggil sa insidente – hudyat para sa agarang responde ng pinagsanib ng pwersa ng lokal na pamahalaan at mga boluntaryong rescue groups.
Wala pang inilalabas na pagkakakilanlan ang Rizal provincial police kaugnay ng insidente.
Ayon kay Jose Hernandez na tumatayong hepe ng Binangonan Municipal Disaster Risk Reduction Management Office nasa 40 pasahero ang nasagip.
Pagtitiyak pa ni Hernandez, patuloy ang search and rescue operation sa bahagi ng Laguna de Bay kung saan tumaob ang bangka.
Batay sa paunang imbestigasyon ng lokal na pamahalaan, hindi pa gaanong nakakalayo sa pampang ng Isla Talim sa Barangay Kalinawan ang bangkang patungo sa Barangay Gulod sa naturang munisipalidad nang hampasin ng malakas na hangin, dahilan para mataranta ang mga sakay na pasaherong nagkumpulan sa isang bahagi ng sasakyang dagat hanggang sa tuluyang tumaob.
Una nang nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA) sa peligrong dala ng bagyong Egay.