PUMALO na sa 30 ang kumpirmadong patay matapos tumaob ang pampasaherong bangka sa gitna ng pananalasa ng bagyong Egay sa bahagi ng Laguna de Bay na sakop ng Barangay Kalinawan sa baybaying bayan ng Binangonan, Rizal.
Batay sa impormasyon ng Philippine Coast Guard Sub-Station Binangonan, dakong ala-1:00 ng hapon nang tumaob ang MBCA Princess Aya, 50 metro ang layo sa dalampasigan ng Talim Island sa bahaging sakop ng Binangonan.
Ayon naman sa Philippine Coast Guard, dakong alas 3:30 ng hapon nang makatanggap ng ulat ang bantay-dagat hinggil sa insidente.
Sa imbestigasyon, lumalabas na 60 ang lulang pasahero ng bangka subalit 22 lamang ang idineklara sa isinumiteng manifesto bago tuluyang maglayag sa lawa.
Ayon naman sa mga sumalklolong residente ng Barangay Kalinawan, wala din umanong life jacket na suot ang mga pasahero ng nasabing bangka.
Sa paunang imbestigasyon ng bantay-dagat, hindi pa gaanong nakakalayo sa pampang ng Barangay Kalinawan ang bangka nang hampasin ng malakas na hangin, dahilan para mataranta ang mga sakay na pasaherong nagkumpulan sa isang bahagi ng sasakyang dagat hanggang sa tuluyang tumaob.
Una nang nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA) sa peligrong dala ng bagyong Egay.