
Ni EDWIN MORENO
BARAS, Rizal – Umabot sa 254 residente mula sa dalawang lokalidad na sakop ng ikalawang distrito ng Rizal ang pinagkalooban ng tig P5,200 cash assistance sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Disadvantage – Displaced Workers o (TUPAD) program.
Sa kalatas ng lokal na pamahalaan, lubos na pinasalamatan ni Baras Mayor Willy Robles sina Senador Francis Tolentino at Rizal 2nd District Rep. Dino Tanjuatco III sa aniya’y malasakit na ipinamalas sa maralitang sektor ng lipunan.
Sa pagtatala ni Rep. Tanjuatco na punong abala sa likod ng inisyatiba, umabot sa P1.5 milyon ang kabuuang halaga ng ayudang hinugot sa pondo ni Sen. Tolentino.
Base sa talaan ng mga benepisyaryo, lumalabas na 200 ang mula sa Barangay San Salvador (Baras) habang nasa 54 naman ang mula sa dulong bayan ng lalawigan – ang Jalajala.
Sa mensahe ni Sen. Tolentino na binasa ng kanyang kinatawan na si Tagaytay Councilor Michael “Miko” Tolentino, partikular na pinasalamatan ni Congressman Tanjuatco sa inisyatibang dalhin sa ikalawang distrito ang programang tulong ng pamahalaan.
Panawagan ni Tolentino sa mga Rizaleño, isapuso ang diwa ng pagkakaisa.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang mga benepisyaryo ng programa kina Tolentino at Tanjuatco.
Samantala, nilinaw ng kinatawan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na buong matatanggap ang ayuda na padadaanin sa Palawan Express.