
MATAGUMPAY na nalansag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang malaking sindikato sa likod ng bentahan ng droga sa lungsod ng Lamitan, lalawigan ng Basilan.
Sa kalatas ng PDEA regional office na nakabase sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), tatlong pasok sa kategorya ng “high-value target” ang inaresto matapos bentahan ng nasa P40,000 halaga ng shabu ang mga operatiba ng ahensya sa joint operation kasama ang pulisya, militar at Philippine Coast Guard.
Kasabay ng pag-aresto sa mga suspek na kinilala lang sa alyas Ricky, Jong at Micco, nabisto rin ang operasyon ng isang drug den sa Sitio Veterans a Barangay Maganda sa naturang lungsod.
Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PDEA Director Gil Cesario Castro, narekober sa nasabing buy bust operation operasyon ang 14 pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 6 grams at may katumbas na halagang ₱40,800.00, buy-bust money, drug paraphernalia, at isang cellphone.
Nagpasalamat naman si Director Castro sa lokal na pamahalaan ng Lamitan sa pangunguna ni Mayor Orick Furigay at sa mga katuwang na ahensya sa patuloy na suporta sa kampanya kontra droga.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek. (LILY REYES)