Ni Lily Reyes
ARESTADO ang tatlong sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos makumpiskahan ng humigit-kumulang sa P 340,000 halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Anupul, bayan ng Bamban, Tarlac nitong Linggo ng gabi.
Sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Tarlac, ang mga nadakip ay nakilalang sina Cpl Venancio D. Delmoral, Alias Juan, 44; Cpl Juan Carlo G. Feliciano, 30, at Sgt Modesto D. Rosquero, 29, pawang AFP enlisted personnel.
Ayon sa PDEA, ang tatlong sundalo ay itinuturing na mga high-value-target dahil sila ay nasa aktibong katayuan.
Narekober ng mga ahente ng PDEA ang isang piraso ng knot-tied transparent plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P 340,000; isang unit na Rock Island Caliber 45 ( AFP Issued Firearm) na puno ng magazine na may apat na live ammunition; isang Blue Sedan Suzuki Dzire, at ang marked money na ginamit sa buy-bust.
Ang operasyon ay isinagawa ng magkasanib na operatiba ng PDEA Tarlac at lokal na pulisya. Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) kaugnay ng Section 26 B (conspiracy to sell) sa ilalim ng Republic Act 9165 ang mga nasabing sundalo.
