BAKAS sa mukha ng 71 kongresista ang pagkainip habang naghihintay ng anunsyo sa Daniel Romualdez Airport sa Tacloban City kung saan piniit ang paglipad ng eroplano pabalik ng Maynila.
Ang dahilan – bomb joke ng isang matandang babaeng sakay ng wheelchair.
Kwento ng ilang saksi, hindi nakalipad agad ang PAL flight PR 2988 na naka-iskedyul na sanang lumipad dakong alas-6:40 ng gabi nang magbiro ang babaeng senior citizen sa flight attendant na nagbuhat ng kanyang bagahe.
Tinanong di umano ng flight attendant ang hindi pinangalanang senior citizen kung bakit masyadong mabigat ang bagahe. Tugon ng matanda – mabigat dahil sa lamang bomba.
Bunsod ng naturang biro, agad na sinuspinde ang flight ng eroplano bilang bahagi ng standard operating procedure – at inaresto ang matandang na-offload sa eroplano at dinala sa tanggapan ng PNP Aviation and Security Group (ASG) para sumailalim sa imbestigasyon.
Galing sa Eastern Visayas leg ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ang mga kongresista.
Dakong alas 8:40 nang makaalis ang eroplanong lumapag naman sa NAIA Terminal 2 bandang alas-9:59 ng gabi.
Sa ilalim ng Presidential Decree 1727, isang krimen ang bomb joke.
