NANATILING nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa apat na lugar habang patuloy na lumalakas ang Tropical Storm Goring nitong Biyernes, ayon sa ulat ng PAGASA.
Sa 11 am bulletin, ng PAGASA, nakasaad na ang Signal No. 1 ay nakataas sa Batanes, at sa silangang mga bahagi ng Babuyan Islands (Babuyan Island, Camiguin Island), mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Gattaran, Baggao, Peñablanca, Santa Teresita, Buguey, Camalaniugan, Aparri) at Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan, Dinapigue, San Mariano, San Pablo, Cabagan, Tumauini, Ilagan City).
Namataan si Goring sa layong 225 kilometro silangan timog-silangan ng Basco, Batanes o 270 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan taglay ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot sa 105 kph. Mabagal itong kumikilos sa timog-kanluran, ayon sa PAGASA.
Dahil sa Southwest Monsoon o Habagat na pinalalakas ni Goring, ay maaaring makaranas ng paminsan-minsang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Central Luzon at Southern Luzon simula sa Sabado.
Naghahanda na ang ilang local government units (LGUs) para sa posibleng epekto ni Goring.
Pagtitiyak ng Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), may sapat na supply ng mga relief goods ang lalawigan para sa mga residente.
Naglabas na ng direktibang “no sail policy” sa lahat ng uri ng sasakyang dagat sa karagatang sakop ng bagyo sa naturang lalawigan.
Gayundin ang anunsyo ng Cagayan PDRRMO sa Santa Ana, Aparri, Gonzaga, Santa Teresita, Buguey, Baggao, Peñablanca, Gattaran, Lal-lo, at Calayan mga sumusunod bilang “areas of immediate concern.”
Nakadeploy na rin ang mga rescue personnel mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa mga apektadong lugar.
Naghahanda na rin ang Office of Civil Defense (OCD) sa Cordillera para sa posibleng epekto ng Goring sa rehiyon.
Inaasahan ang forecast accumulated rainfall na 50 hanggang 100 millimeters sa Batanes, Babuyan Islands, at hilagang-silangan na bahagi ng mainland Cagayan mula Biyernes hanggang Sabado ng tanghali, ayon sa PAGASA.
Si Goring ay inaasahang kikilos sa timog timog-kanluran o patimog sa ibabaw ng tubig silangan ng Hilagang Luzon hanggang Sabado ng gabi,
pagkatapos ay liliko ito pahilaga bago lumiko sa hilagang-kanluran sa Martes patungo sa Luzon Strait.