ANIM na buwang bakasyon ang ipinataw ng Office of the Ombudsman sa 12 opisyales ng Department of Education (DepEd) and Department of Budget and Management (DBM) bunsod ng kontrobersyal na laptop deal ng mga sinaunang laptop para sa mga guro ng mga pampublikong paaralan noong taong 2021.
Sa 11-pahina ng resolusyon na pirmado ni Ombudsman Samuel Martires, nakitaan ng sapat na ebidensya ang mga opisyal na pinaniniwalaang nagsabwatan para bilhin ang 39,583 sinaunang laptop sa halagang P58,300.
Sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA), lumalabas na overpriced ang mga biniling laptop na noo’y nagkakahalaga lang ng P17,000 sa merkado.
Kabilang sa mga sinuspinde sina DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla, dating DepEd Usec. Alain del Pascua, dating DBM Usec. Lloyd Christopher Lao, DepEd Assistant Secretary for Administration and Procurement Salvador Malana III, Director Abram Abanil ng Information and Communications Technology Services na miyembro ng Ad Hoc, Special Bids and Awards Committee (SBAC-1) para sa “Laptop for Teachers” Project.
Suspendido rin ang iba pang miyembro ng Special Bids and Awards Committee na sina Director Jasonmar Uayan ng Procurement Service-DBM, Procurement Management Officer Ulysees Mora ng PS-DBM, Procurement Management Officer Marwin Amil ng PS-DBM, Alec Ladanga ng DepEd, Marcelo Bragado ng DepEd Procurement Management Service, Selwyn Briones ng DepEd, at Paul Armand Estrada ng PS-DBM.
Una nang umani ng kabi-kabilang batikos ang DepEd at DBM sa kontratang iginawad sa construction company na pag-aari ng isang partylist congressman na di umano’y nagsupply ng mga mumurahing laptop na binayaran ng tatlong doble kumpara sa orihinal na presyo.