WALA ng buhay ang 30-anyos na basurero nang matagpuan ng local search and rescue team matapos gumuho ang isang bahagi ng sanitary landfill sa lungsod ng Davao.
Batay sa inisyal na impormasyon, naganap ang insidente Miyerkules ng hapon sa tambakan ng basura sa Barangay New Carmen, Davao City.
Samantala, patuloy ang search and rescue operation para matunton ang dalawang ginang na umano’y kasama sa natabunan sa pagguho ng gabundok na basura.
Dalawa pang indibidwal ang isinugod sa pagamutan, bukod pa sa mga bahay na tuluyang nalibing bunsod ng tinaguriang “trashslide.”
Kabilang sa sinisilip na dahilan sa pagguho ng gabundok na basura sa landfill ang sunod-sunod na pag-ulan na sanhi ng paglambot ng lupang tambakan ng mga basura.
Tuloy ang ugnayan ng mga ahensya ng lokal na pamahalaan at iba pang sangay para suriin ang lugar at imbestigahan ang insidente.
