KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng 62-anyos na lolo na nasawi matapos kuyugin ng mga kabataan sa bayan ng Bongabon sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Sa ulat ng lokal na pulisya, pauwi na ang 62-anyos na biktima sa Barangay Kaingin sakay ng kanyang tricycle nang sundan siya ng mga kabataang pawang nakatira hindi kalayuan sa kanyang tinutuluyan.
Pagdating sa tapat ng bahay ng biktima sa Purok 6, walang kaabog-abog na binugbog ang matanda. Hindi pa nasiyahan sa pananakit, hinataw pa umano ng kahoy ang ulo ng biktima.
Bagamat agarang sinaklolohan ng mga kapitbahay, pumanaw ang biktima bago pa man sumapit sa pagamutan bunsod ng tinamong pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Matapos ang insidente, kusang-loob na sumuko ang apat na kabataan, habang nasukol naman sa follow-up operation ang dalawang iba pa.
Nahaharap sa kasong murder ang mga suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Bongabon police station.
