HINDI naikubli ng dating artista sa Kamara ang pagkapikon matapos lumabas ang aniya’y malisyosong Commission on Audit (COA) report hinggil sa mga donasyon sa Ormoc City noong siya’y alkalde pa lang ng nasabing lungsod.
Partikular na tinukoy ni Leyte Rep. Richard Gomez ang lumabas na ulat-pagsusuri ng COA hinggil sa “in-kind donations” sa lokal na pamahalaan na naka-post sa opisyal nitong Facebook page sa mga unang buwan ng 2022, kung saan si Gomez pa ang nakaupong alkalde.
Ayon sa COA report, ang relief good donations, kabilang ang mga sako ng bigas, ay “unaccounted” sa mga libro ng pamahalaang lungsod. Ipinaliwanag ni Gomez na ito ay parte ng Audit Observation Memorandum (AOM) na inilabas ng COA.
“Anong ibig sabihin nito? Ang AOM ay isang audit finding kung saan kailangan magpaliwanag ng isang local government unit (LGU) o anumang opisina, kung ire-require ng COA. Hindi ito maikokonsidera na irregular kung nakapagpadala na ng komento at wala pang masamang konklusyon na nabuo,” paliwanag ni Gomez.
“Sa dulo ng report, hindi naglabas ng negatibong finding ang COA. Una, walang masasabing masamang konklusyon dito dahil wala naman talagang irregular na nangyari,” dagdag ni Gomez.
Sa ilalim aniya ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Ormoc City, naging polisiya niya ang ipasa sa mga local non government organizations (NGO)ang pagtanggap ng mga donasyon na ibinibigay sa Ormoc City “sa ngalan ng transparency.”
Inamin naman ni Gomez na sadyang wala sa talaan ng Ormoc LGU ang mga donasyon lalo pa’t hindi naman gumastos ang lungsod sa mga donasyon at ang tanging papel ng lungsod ay pangasiwaan ang paglilipat ng mga donasyon.