ANG dating nagdadala ng mga kriminal sa selda, kakosa na ngayon ng mga hinuli niya. Ito ang ang nangyari sa isang pulis na inaresto ng mga kabaro matapos holdapin ang isang establisyemento sa bayan ng Manolo Fortich sa lalawigan ng Bukidnon.
Sa paunang ulat na ipinadala ng lokal na pulisya sa punong himpilan ng Philippine National Police (PNP), lumalabas na nahagip ng CCTV camera ang hindi pinangalanang suspek ang aktwal na pagpasok ng pulis sa tindahan.
Ilang minuto pa ang lumipas, mabilis na tumakas ang suspek tangay ang P12,000 benta ng tindahan.
Kwento ng kahera ng tindahan, itinutok sa kanya ng pulis ang nakasukbit na baril, kasabay ng hirit na ilabas ang lahat ng pinagbilhan ng naturang tindahan.
Agad din naman nadakip ang pulis matapos itawag ng may-ari ng tindahan ang naturang insidente.
Kinumpirma ng mga awtoridad na ang suspek ay isang police corporal na nakatalaga sa Libona Police Station.
