TIMBOG sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 11 Chinese nationals na pinaniniwalaang nasa likod ng ilegal na lead recycling facility sa San Simon, Pampanga.
Sa kalatas ng CIDG, ikinasa ng Regional Field Unit 3 ang operasyon sa isang pasilidad sa Global Aseana Business Park 1, sa Barangay Dela Paz noong ika-11 ng Marso.
Kwento ng mga operatiba, huli sa akto ang mga hindi pinangalanang banyaga habang nag rerecycle ng mga lumang automotive battery — bagay na posible anilang magdulot ng panganib sa kalikasan at kalusugan ng mga residente malapit sa pasilidad.
Kumpiskado sa operasyon ang dalawang battery crusher machine, limang Heli forklift, isang pugon, mga baterya ng kotse at e-bike, at halos 8,950 kilo ng lead product.
Nakatakda naman sampahan ng kasong paglabag sa Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990 ang mga dayuhang suspek.
