EKSAKTONG dalawang linggo pagkatapos ng malagim na trahedya, tuluyan nang itinigil ng mga search teams ang paghuhukay at paghahanap sa mga nalalabing biktima ng pagguho ng lupa sa Barangay Masara, sa bayan ng Maco, Davao de Oro.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng National Disaster and Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pumalo na sa 98 ang kabuuang bilang ng mga bangkay na narekober sa landslide area.
Gayunpaman, may siyam na iba pa ang hindi pa rin nakita.
Kasama sa mga nagtapos ng kanilang misyon ay ang 20 miyembro ng Davao City Urban Search & Rescue 911 team na bumalik na sa Davao City nito lamang Linggo ng umaga.
Kasama ang dalawang rescue dog, halos isang linggo tumulong sa search and rescue at retrieval operation sa landslide hit area ang Davao City USAR 911.
Kinahapunan ng nasabing araw, nilisan na rin ng mga tauhan ng 10th Infantry “Agila” Division at mga miyembro ng 525th Engineer Combat Battalion Combat Engineering Regiment ang Barangay Masara.
Gayunpaman, tiniyak ni Engr. Ariel Capoy na kabilang sa mga incident commanders sa Masara landslide, na ipagpapatuloy nila ang search and retrieval operation sa pag-asang makikita pa nila ang iba pang natabunan ng pinaghalong bato at putik.
Hindi binanggit ni Capoy kung hanggang kailan tatagal ang kanilang operasyon.
